NAPAKAGANDA ngayon ang nangyayari sa Philippine Basketball Association (PBA) Commissioner’s Cup Finals. Dalawang koponan na kilalang magkatunggali rin sa negosyo – San Miguel Corporation at MVP Group of Companies – ang naglalaban ngayon para sa championship. Ang mga ito ay ang San Miguel Beer at Talk ‘N Text. Patas na ang laban sa best-of-seven series, 2-2. Ngayong araw ang Game 5. Kung sino ang mananalo ngayon ay isang panalo na lang ay champion na. Samantala, ang matatalo ay mangangailangan ng dalawang straight na panalo upang maging kampeon.
Bagama’t parehas na propesyonal ang kumpetisyon sa negosyo ng SMC at MVP Group, tila sumasalamin din ito sa larangan ng palakasan, partikular sa basketbol. Nagkaroon din ng kaunting isyu o gusot ang dalawa sa PBA tungkol sa pamamaraan ng pagkuha ng kanilang mga manlalaro. Gayundin dati sa isyu ng pag-manage ng national team ng basketball para sa international competition. Subalit mukhang naayos na ito.
Balik tayo sa PBA Commissioner’s Cup Finals. Mainit ang labanan. Ang dalawang koponan ay kapwa may ibinabanderang magaling na import na dating naglaro sa National Basketball Association (NBA) na itinuturing na numero unong liga sa buong mundo.
Para sa SMB, kinuha nila si Chris MacCullough na dating naglaro sa Brooklyn Nets at Washington Wizards. Para naman sa TNT, nandiyan si Terrence Jones na naging starter ng Houston Rockets at New Orleans Pelicans. Kung karanasan ang pag-uusapan, lamang nang kaunti si Jones kay Mac-Cullough. Katunayan, pinarangalan noong Game 4 si Jones bilang ‘Best Import’ ng torneo.
Subalit ang nakalulungkot lamang, napakainit at napakakontrobersiyal ng Finals na ito dahil sa mga pangyayaring ‘flop’ o acting ng ibang manlalaro upang matawagan lamang ng foul ang mga magagaling na manlalaro sa kabila.
Bukod dito ay ang maruming estilo na tinatawag na ‘hard foul’ o sadyang pananakit upang mapikon ang kalaban sa pag-asang matanggal sa laro.
Ang tawag na pala ngayon diyan ay ‘mind games’. Haaaay!
Dapat din sigurong kuwestiyunin ang kakayahan ng mga referee sa PBA kung husto sila sa training at malabo ang kanilang mga mata sa kadalasan ay kuwestiyonableng mga tawag.
Sayang. Naging paborito ko ang SMB noong 1980s at 1990s. Ito ‘yung mga kalakasan nina Allan Caidic, Hector Calma, Samboy Lim, Franz Pumaren, Yves Dignadice, Alvin Teng, Ato Agustin at marami pang mga sikat na manlalaro na nagsuot ng uniporme ng SMB.
Sunod-sunod ang kanilang kampeonato. Subalit walang ‘flop’ o acting noong mga panahon na iyon. Walang ‘mind games’ noon. Makikita mo ang talento, diskarte at galing ng mga manlalaro.
Ano na ang nangyayari ngayon sa PBA? Hanga pa naman ako sa kanilang commissioner. Si Commissioner Willie Marcial. Nagsimula siya sa PBA bilang isang hamak na statistician. Ngayon ay siya na ang nagpapalakad ng PBA. Naniniwala ako na hindi palalampasin ni Comm. Marcial ang mga nangyayari ngayon sa Finals. Biruin mo naman, ipinangalan ang torneong ito sa commissioner ng PBA?
Lumalakas ulit ang interes ng mga Filipino sa PBA tulad nga noong mga dekada 80 at 90. Huwag sana itong maudlot dahil sa kasalukuyang nangyayaring kabalastugan sa PBA Finals.
Ika nga ni Jojo Lastimosa, na isa ring alamat sa PBA, kung puro ‘flop’ o acting lang ang gagawin mo sa PBA, aba’y mag-artista ka na lang!