MAINIT NA BAKBAKAN NG SUPER SWERTE, BOSS EMONG

TULAD ng dapat asahan, samu’t saring reaksiyon mula sa bayang karerista ang natamo ng matikas na hidwaan ng mga liyamadong kalahok sa makasaysayang largahan kamakailan sa P2.5-milyon 2022 Philracom Classic na ginanap sa Santa Ana Park sa Naic, Cavite.

Taliwas sa mga naunang paghaharap, sumagupa at lumaban nang dikitan mula simula hanggang sa pagtatapos ang 2022 Commissioners’ Cup winner Boss Emong kontra mahigpit na karibal na Super Swerte sa distansiyang 1800 meters.

Mistulang duelo ng pamosong War Admiral at Seabiscut ang nasaksihan ng bayang karerista.

Tunay na world-class din ang mga jockey na sina Jonathan Hernandez para sa Boss Emong at Jesse Guce sa Super Swerte. Ngunit tulad ng iba pang labanan, isa lang ang puwedeng magwagi.

Sa huli, ang alaga ni businessman/sportsman Leonardo ‘Sandy’ Javier (mula sa lahi ng Art Moderne-Faster Tapper) na Super Swerte ang nagwagi na may tatlong bahagdang layo sa Boss Emong ni Edward Vincent Diokno para maiuwi ang premyong P1.5-M. Sa naging resulta, walang maidedeklarang Triple Cup champion para sa P1.5-M bonus.

Naiuwi ng Boss Emong ang  P500,000 habang ang War Cannon na pumangatlo ay may premyong P250,000 at ang Isla Puting Bato ang pang-apat para sa premyong P125,000.

“May angking tulin naman si Super Swerte sa gate kaya minabuti namin ni Sir Sandy na i-take advantage ‘yung tulin na ‘yun at huwag pabayaan si Boss Emong na mai-dictate and pace ng karera,” pahayag ng trainer ni Super Swerte na si Ruben Tupas.

Naitala ng Super Swerte ang bilis na 1:53 (13′-23′-24-23′-28′) para sa distansiyang 1800 meters.

Sa Division II ng Philracom Classic, patuloy ang ratsada ng Spandau Ballet ni Mark Ryan Ponce (Stately Victor out of Baywatch Girl bred by the SC Stockfarm) matapos gapiin ang Batang Cabrera.

Nagwagi ang Spandau Ballet owner ng P400,000 habang ang Batang Cabrera ay tumanggap ng P168,750. Bumuntot ang Magtotobetski at Tocque Bell para sa P93,750 at P37,500, ayon sa pagkakasunod. Ang final time ay 1:55 (13′-23-24′-25′-28′).

Sopresa naman sa 2022 Philracom Classic Division III ang dehadong Toy For The Bigboy (Lim Expesive Toys-Baywatch Girl bred by SC Stockfarm) ni Fredi Santos na humarurot sa bilis na 1:54.6 (13′-23′-24′-25′-27′) para sa panalo.

Nasungkit ng Toy For The Bigboy ang P300,000 habang ang Hookbung Dagat, La Liga Filipina, Hook On D Run, Fortissimo at  Victorious Colt ay nagkasya sa P100,000; P50,000; P25,000; P15,000 at P10,000, ayon sa pagkakasunod-sunod.

“This year’s Philracom Classic lived up to its name and will definitely be viewed over and over by the bayang karerista as a duel to end all duels. But of course, one has to win. Congratulations to the winners of our three major events, Super Swerte, Spandau Ballet and Toy For The Bigboy,” pahayag ni Philracom Chairman Reli de Leon.

“The excitement that horseracing gives the public is unparalleled as evidenced by the cheers that went on.  On that, I thank the bayang karerista for their unending support and rest assured that more exciting races are in store in the near future,” aniya.