MAINIT NA SIMULA NG PH CHESSERS SA ASIAN PARA GAMES

Chess

HANGZHOU – Matikas na sinimulan ng national para chess team ang kanilang kampanya sa 4th Hangzhou Asian Para Games makaraang magwagi ang men’s at women’s PI (physically impaired) chessers sa lahat ng kanilang tatlong laro sa first round ng standard events nitong Lunes.

Pinangunahan ni FIDE Master Sander Severino ang ratsada ng PH nang gapiin si Mongolia’s Sundui Sonom habang namayani sina Henry Roger Lopez at Jasper Rom kina Thailand’s Padu Srikpadee at Yoo Khoonme, ayon sa pagkakasunod.

Pinamunuan ni Cheyzer Cristal Mendoza ang women’s squad sa pagdispatsa kay Indonesia’s Yuni, habang pinayuko ni Cheryl Angot si Kyrgyzstan’s Dariaa Kuraidanarova at nangibabaw si Jean Lee-Nacita kontra China’s Zhang Yue.

Nagtala naman ang mga player sa men’s B1 at B2 at women’s B1 ng 2-1 win-loss records sa kanilang opening round matches.

Samantala, umabante si Tokyo Paralympic veteran Gary Bejino sa finals ng men’s 100-meter S6 makaraang tumapos sa fourth overall sa walong qualifiers sa oras na one minute at 12.61 seconds sa Hangzhou Olympic Center Aquatic Arena.

Isang double gold medalist sa nakalipas na Cambodia ASEAN Para Games, si Bejino ay tumapos sa close second sa first heat sa likod ni China’s Tang Qian (1:12.6) at No. 4 sa likod nina Tang at dalawang iba pang hometown bets, Luo Jinbiao (1:09.80) at Jia Hongguang (1:12.11), na 1-2, ayon sa pagkakasunod.

Umusad din si Edwin Villanueva sa 200-meter individual SM8 finals.

Sa athletics, tila namangha si Jesebel Tordecilla sa kanyang Asian Para Games debut at kinulang sa tamang warmup, upang mangulelat sa women’s javelin throw F56 finals sa ibinatong 12.88 meters sa kanyang ika-5 fattempt sa HSC Stadium.

“Di pa ako nakapag-warmup tapos nakita ko na lang paglabas sa dugout nandun na yung throwing chair ako. Di pa nakapag-iinit wala pa ‘yung adrenaline ko. Bitin po,” sabi ni Tordecilla, silver medalist sa Cambodia ASEAN Para Games.

Maagang nasibak sa event si swimmer Muhaimin Ulag, na tumapos sa second heat ng men’s 100-meter breaststroke SB9 event sa 1:24.25.