KUMAMADA si Fred VanVleet ng career-best 34 points, kabilang ang isang krusyal na 3-pointer sa overtime, nang mainit na simulan ng NBA champion Toronto Raptors ang season sa pamamagitan ng 130-122 panalo laban sa bumibisitang New Orleans Pelicans noong Martes ng gabi.
Umiskor din si Pascal Siakam ng 34 points at kumalawit ng 18 rebounds para sa Raptors bago na-foul out, may 50.1 segundo ang nalalabi sa regulation.
Naitabla ng Raptors, na tinanggap ang kanilang championship rings sa isang seremonya bago ang laro, ang talaan sa 117 sa dalawang free throws ni Kyle Lowry, may 29.2 segundo ang nalalabi sa fourth quarter, na nagpuwersa sa overtime.
Nagdagdag si Lowry ng 22 points, tumipa si Serge Ibaka ng 13 points at nag-ambag si OG Anunoby ng 11 para sa Toronto.
Nanguna si Brandon Ingram para sa Pelicans na may 22 points. Nagdagdag si JJ Redick ng 16 points, at nagtala siJosh Hart ng15 points at 10 rebounds.
Nakalikom si Nicolo Melli ng 14 points at nagposte si Jrue Holiday ng 13 para sa New Orleans, na naglaro na wala si first overall draft pick Zion Williams dahil sa knee surgery.
Isang layup at free throw ni Marc Gasol ang nagbigay sa Raptors ng 122-120 kalamangan sa overtime, subalit naitabla ni Holiday ang laro.
Naibalik ng dalawang free throws ni Lowry ang two-point lead ng Toronto, may 2:06 ang nalalabi sa OT. Naipasok ni VanVleet ang isang corner 3-pointer, at umabante ang Raptors lsa 127-122, may 1:28 sa orasan. Nagdagdag si Lowry ng 3-pointer, may 56.7 segundo ang nalalabi.
Kinuha ng Raptors ang 88-86 lead papasok sa fourth quarter subalit nalamangan ng anim na puntos sa 3-pointet ni Frank Jackson, may 4:29 ang nalalabi.