HANGZHOU, China — Nalusutan ni Filipino boxer Carlo Paalam si Mohammad Abu Jajeh ng Jordan sa kanyang unang laban sa 19th Asian Games nitong Martes sa Hangzhou Gymnasium.
Kinuha ni Paalam, silver medalist sa Tokyo Games, ang 5-0 unanimous decision kontra Abu Jajeh sa kanilang round-of-32 match ng men’s 57kg weight class
“Sobrang tangkad niya sa akin, kaya nag-stick lang ako sa game plan namin ng mga coaches ko,’’ sabi ni Paalam, na ang pangunahing pakay rito ay ang makakuha ng puwesto sa Paris Olympics sa susunod na taon.
Laban kay Abu, napilitan siyang lumaban nang mas matalino sa ring at sumuntok lamang kung kinakailangan.
Si Paalam ay nagwagi ng silver medal sa Tokyo Olympics sa men’s 51kg., subalit inalls na ang naturang weight class sa Paris program sa susunod na taon.
Ang boxing finalists sa idinadaos na Asian Games ay makakuha ng puwesto sa Paris.
Ang national boxing team dito ay suportado ng Philippine Sports Commission at ng Philippine Olympic Committee.
“Pagsikapan ko talaga ang makapunta sa Paris. Gawin ang best every laban. Baguhan ako sa timbang na ito, so mabigat at malakas ang galaw dito,’’ sabi ni Paalam, flyweight bronze medalist sa 2018 Asiad sa Indonesia.
“Adjust ako dito dahil mahahaba ang mga kalabaan at sobrang galing din. Matalino din sila maglaro,’’ dagdag ng 25-year-old pride ng Talakag, Bukidnon.