MAINIT NA SIMULA SA ROAD WARRIORS

nlex

Mga laro ngayon:
(Philsports Arena)
4:30 p.m. – Terrafirma vs Converge
6:45 p.m. – NorthPort vs Meralco

SINIGURO ni Kevin Alas na magiging memorable ang maaaring sandaling pagsasama nila ni Jonathon Simmons.

Naitala ni Alas ang 19 sa kanyang bagong career-high 31 points sa fourth period nang pangunahan ang NLEX sa 124-102 panalo kontra Blackwater sa PBA Governors’ Cup nitong Miyerkoles sa Araneta Coliseum.

Ang pananalasa ni Alas at ang steady support ni Simmons na 10 points ay unti-unting nagpalayo sa Road Warriors mula sa dikit na laro tungo sa panalo sa kanilang conference opener.

Si Simmons, nakuha lamang ang kanyang kailangang letter of clearance ilang oras bago ang laro, ay tumapos na may game-high 32 points bukod sa 9 rebounds at 7 assists.

“He’s not a good player but a great player,” pahayag ni coach Frankie Lim patungkol sa kanyang certified former NBA campaigner.

“He knows how to play. He knows when to shoot, he knows when to pass. S’werte kami to have him.”

Gayunman ay maaaring mapadali ang pagtulong ni Simmons sa koponan at posibleng matapos ito sa susunod na buwan dahil tinanggap na ni Simmons ang alok na muli siyang maglaro sa China na nag-udyok sa NLEX management na agad na maghanap ng kanyang kapalit.

Sinabi ni Lim na tanggap na niya ang katotohanan na aalis na si Simmons subalit may hiniling siya rito. “Nu’ng sinabi niya sa akin na he has to go to China to play, ang sabi ko: ‘Finish first your contract here. Maybe you can give us four wins before you leave,'” ani Lim.

Tulad ni Lim, malinaw ring natutuwa si Alas na natapos na ang mga uncertainties sa unang laro ni Simmons sa PBA at sabik na siyang gawin ang kanyang parte.

“Nakita n’yo naman si Jonathon Simmons kanina, talagang NBA-caliber player siya,” wika ni Alas matapos ang kanyang performance na tinampukan din ng 8 rebounds at 4 assists mula sa bench.

“I guess we can expect more from him kasi kanina there are stretches of the game na medyo nag-i-struggle pa siya,” sabi ni Alas.

“Siguro, first game niya dito sa Pilipinas, medyo baka ano pa, nangangapa pa siya sa style ng play, physicality, officiating. I hope in the next three games maka-adjust na siya.”

Nag-ambag din si Brandon Ganuelas-Rosser, na naitala ang 19 sa kanyanf 21 points sa unang tatlong quarters upang tulungan ang NLEX na kunin ang 84-81 lead papasok sa huling 12 minuto ng laro.

Pinangunahan ni Anthony Semerad ang defensa kay Blackwater import Shawn Glover habang tinampukan ni new acquisition Hessed Gabo ang kanyang unang PBA game ng isang triple na sinindihan ang 22-6 surge ng NLEX mula sa 100-96 iskor.

Tumapos si Glover na may team-high 26 points na sinamahan ng 7 rebounds subalit gumawa ng game-worst eight turnovers.

CLYDE MARIANO

Iskor:
NLEX (124) – Simmons 32, Alas 31, Ganuelas-Rosser 21, Semerad 15, Nieto 12, Gabo, Pascual 3, Trollano 3, Anthony 2, Miranda 0.
Blackwater (102) – Glover 26, Ular 14, Amer 13, Taha 13, Suerte 9, Ilagan 8, McCarthy 5, Banal 4, Casio 3, Sena 3, Escoto 2, Torralba 2, Hill 0, DiGregorio 0.
QS: 26-22, 58-56, 84-81, 124-102.