SA KABILA ng pag-alis ng dalawang key players, magaan na dinispatsa ng defending champion Letran ang Jose Rizal University, 102-64, sa pagsisimula ng National Collegiate Athletic Association (NCAA) Season 99 juniors basketball tournament kahapon sa Filoil EcoOil Centre sa San Juan City.
Nanguna si Daniel Padilla para sa Squires na may 16 points sa 7-of-9 shooting, kumalawit ng 4 rebounds, at nagbigay ng 3 assists, habang nag-ambag si Syrex Silorio ng 14 points.
Si Andy Gemao, ang Finals Most Valuable Player noong nakaraang season, ay nagtungo na sa United States habang si dating team captain Emman Anabo ay naglalaro na ngayon sa Adamson University sa University Athletic Association of the Philippines (UAAP).
Sa iba pang laro, pinataob ng Mapua ang Arellano, 82-78, habang ibinasura ng Perpetual Help ang Lyceum, 89-75.
Kumana si Cebu’s Lawrence Mangubat ng 20 points habang nagdagdag si Aki Valina ng 13 para sa Mapua Red Robins, na umabante sa 53-43 sa half.
Pinangunahan ni Lebron Jhames Daep, ang 6-foot-7 na anak ni Rommel, na miyembro ng five-time NCAA champion San Sebastian College-Recoletos noong 1990s, ang Perpetual Junior Altas na may 22 points, 5 rebounds, 4 assists, 4 steals at 1 block.
Nag-ambag si Amiel Acido ng 14 points para sa Perpetual, na pinalobo ang 48-45 halftime lead sa 73-55 sa pagtatapos ng third quarter.
“Win every practice, win every game. The real battle is in practice. What you do there, that will be the goal this season,” sabi ni Perpetual coach Joph Cleopas.
Sisikapin ng Lyceum na makabawi sa pagharap sa San Sebastian sa Pebrero 16.