INILUNSAD ng lokal na pamahalaan ng Parañaque sa tulong ng League of Municipalities of the Philippines (LMP) at Gracia Telecommunications Corp., ang Intelligent Payment Machine-Express Link Online (IPM-ELO) na magbibigay ng solusyon sa pagbabayad sa pamamagitan ng digital customized na mga transaksyon.
Ayon kay Parañaque City Mayor Edwin Olivarez, ang nasabing payment machine ay para lamang sa mga billing at loading kiosk depende sa kailangang transaksiyon.
Aniya, ang IPM-ELO ay mayroong EMV card kung saan ay maari ng magbayad ng billing, bumili sa online at ang mag-poproseso nito ay naaayon sa data protection at privacy requirements.
Sinabi pa ng alkalde, ang IPMs ay nagbibigay din ng alternatibong pamamaraan upang maiwasan ang pag-usbong ng pila sa mga payment center at maiwasan ang harapang transaksiyon.
Kaya’t nais ni Olivarez, ipamahagi ang mga naturang IPMs sa 16 na barangay sa lungsod gayundin sa mga mataong lugar tulad ng Paranaque Integrated Terminal Exchange (PITX) at malls para mas madaling puntahan na digital payment kiosk.
“Masuwerte kami sa aming pakikipag-ugnayan sa LMP at Gracia Telecom na magpapatibay sa aming napagkaisahang pagsisikap upang mapausad pa ang inisyatibo ng lokal na pamahalaan patungo sa eGovernance. Ito ay parehong pakikinabangan ng customer at ng lokal na pamahalaan na magpapalawak pa ng benepisyong makukuha sa modernong teknolohiya,” ani Olivarez.
Sinabi naman ni LMP National President Mayor Luis Chavit Singson na ang kanilang pagsisikap ay bahagi ng kanilang pangako upang makatulong sa kanilang mga partner sa lokal na pamahalaan sa panahon ngayon ng pandemya.
Idinagdag pa ni Singson na ginusto rin nilang magbigay ng alternatibo at maaasahang digital payment solution na kayang gampanan ang lahat ng klase ng transaksiyon sa lokal na pamahalaan. MARIVIC FERNANDEZ
Comments are closed.