MAJA BLANCA: SWAK PAGSALUHAN NG PAMILYA AT BISITA

MAJA BLANCA

HINDI nga naman nawawala ang pag-iisip ng masasarap na dessert na puwedeng ihanda kapag holiday. Espesyal nga naman ang naturang araw para sa marami sa atin kaya’t nais din nilang maging espesyal ang kanilang ihahanda.

Kaya ngayon pa lang ay aligaga na ang maraming Nanay sa pag-iisip ng kung ano-ano ang masasarap ihanda sa darating na Pasko. Mga handang tiyak na inaabang-aba­ngan at magugustuhan ng mga makatitikim.

MAJA BLANCA-2Pero hindi lamang din masasarap na putahe ang iniisip ng marami sa atin kundi ang pagiging makulay ng lulutuin o dessert.  Nakagaganda nga naman sa paningin at nakatatakam sa panlasa kapag makukulay ang nasa ating lamesa.

At isa nga sa masarap pagsaluhan ng pamilya at bisita ay ang Maja Blanca.

Wala nga naman itong kasinsarap at napakasimple lamang din nitong lutuin. Pasok na pasok pa ito sa budget ng kahit na sino.

Ang Maja Blanca nga naman ay isang Filipino dessert na gawa sa gata, cornstarch at asukal. Nilalagyan din ito ng mais para lalong luminamnam sa panlasa ng makatitikim.

Sa ngayon ay ma­rami na ring bersiyon ang maja blanca. May iba’t ibang idinaragdag nang mas lalo pang mamukod-tangi ang sarap nito.

Marami nga namang klase ito gaya na lang ng Ube Maja Blanca. Mayroon din namang Squash Maja.

MAJA BLANCA-3Ibig sabihin lamang nito ay puwedeng gumawa ng sariling bersiyon ng maja ang kahit na sinong nag-aasam na magluto nito.

At sa mga gustong maghanda ng Maja Blanca ngayong holiday at nag-iisip kung papaano ito lulutuin, ang mga sangkap na kakailanganin natin sa paggawa nito ay ang coconut milk o gata, cornstarch, condensed milk, fresh milk, asukal, sweet kernel corn at grated coconut.

Paraan ng pagluluto:

Matapos na maihanda ang lahat ng mga sangkap na kakailanganin, ilagay lang ang gata o coconut milk sa lutuan saka ito pakuluin. Para sumarap nga pala ang maja blanca, siguraduhing fresh ang gagamiting gata at hindi iyong nasa sachet. Mag-iiba kasi ang lasa ng iyong produkto o dessert na gagawin lalo na kung gagamit ng sachet na gata at hindi fresh.

Kapag kumulo na ang gata ay isama na ang asukal, condensed milk at sweet kernel corn saka haluin itong mabuti. Hayaan muna itong kumulo sa loob ng walong minuto.

MAJA BLANCA-4Sa isa namang mang­kok o lalagyan, pagsamahin naman ang gatas at cornstarch. Haluin itong mabuti hanggang sa matunaw ang cornstarch. Kapag natunaw na ito, isama na ito sa gata-asukal-condensed milk-sweet kernel corn mixture. Haluin lang ito nang haluin hanggang sa lumapot ang mixture.

Kapag lumapot na, isalin na sa serving tray o sa inihandang lalagyan ang Maja Blanca, palamigin ito at saka ilagay na sa ref.

Bago ihanda o pagsaluhan, budburan ito ng grated coconut.

Simpleng-simple nga lang naman ang pag­luluto nito at tiyak na maiibigan ito ng kahit na sino.

Kaya kung nag-iisip ka pa ng puwedeng isama sa iyong ihahanda ngayong holiday, subukan na ang Maja Blanca. Bukod nga naman sa simple at madali lamang itong lutuin, swak din sa bulsa at napakasarap pa.

Kailangang tandaan sa pagluluto:

Siguraduhing malinis ang mga kamay bago magsimulang magluto. Tiyakin ding ang mga gagamitin sa pagluluto ay nalinis na mabuti nang maiwasan ang kahit na anong problema.

Kung magluluto naman kasama ang mga bata, ilayo sa mga ito ang matatalas na bagay gaya ng kutsilyo.  CT SARIGUMBA