NAGHAIN ng resolusyon nitong Martes si House Deputy Majority Leader at ACT CIS partylist Rep. Erwin T. Tulfo kasama ang apat pang mambabatas na humihikayat sa Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth) na isama sa kanilang coverage ang pinakamakabagong dialysis machine na automated peritoneal dialysis (APD) upang mas mapabuti ang kalidad ng buhay ng mga pasyenteng may Chronic Kidney Disease (CKD).
Ang House Resolution No. 1789 ay inihain nina Tulfo at kanyang mga kasamahan mula sa ACT-CIS partylist na sina Reps. Edvic Yap at Jocelyn Tulfo; Benguet Rep. Eric Yap at Quezon City 2nd District Rep. Ralph Wendel Tulfo.
“Ito’ng automated peritoneal dialysis (APD) ang siguradong magpapagaan sa buhay ng milyon-milyon nating kababayan na nagda-dialysis lalo na yung mga pasyente na nagtatrabaho. Pwedeng-pwede pa rin magtrabaho ang mga pasyente, maari kasi itong gamitin kahit nasa bahay lamang ang pasyente at kahit natutulog lang,” ayon kay Tulfo sa isang pahayag.
“Hindi na kailangang mag-absent sa trabaho ang dialysis patient at gumastos ng pamasahe papunta sa ospital o dialysis center para sa kanilang lingguhang dialysis,” dagdag pa ni Tulfo, na binanggit na ang mas epektibong APDs ay ginagamit na rin sa ibang bansa.
Sa resolusyon, ipinahayag ng mga mambabatas na ang CKD ay isang lumalaking suliranin sa pampublikong kalusugan sa Pilipinas na nakaaapekto sa milyon milyong Pilipino at malaki ang epekto sa kanilang kalidad ng buhay. Ang dialysis treatment, partikular ang hemodialysis at peritoneal dialysis (PD), ay isang mahalagang interbensyon para sa mga pasyenteng may advanced CKD.
Sinabi rin na ang peritoneal dialysis ay may maraming advantage kumpara sa hemodialysis, tulad ng mas magaan at may kalayaan ang pagkilos ng mga pasyente at posible ring mas maging maayos ang kanilang cardiovascular health.
Ipinakita sa mga pag-aaral na ang APD ay maaaring makapagpabuti sa mga resulta ng pasyente kumpara sa manual PD, kabilang na ang mas mababang rate ng peritonitis, mas maayos na blood sugar, at pinahusay na kabuuang kalagayan ng pasyente.
Sinabi ng mga mambabatas na walang kasalukuyang saklaw ang PhilHealth para sa APD kumpara sa manual PD at hemodialysis, na lumilikha ng pinansyal na hadlang para sa mga pasyenteng makikinabang nang husto sa teknolohiyang ito.
Hinimok ni Tulfo ang Department of Health (DOH) na bumuo at magpatupad ng isang pambansang programa upang itaguyod ang paggamit ng APD bilang isang opsyon sa paggamot para sa mga pasyenteng may CKD sa
Pilipinas at para sa PhilHealth na suriin at palawakin ang saklaw para sa APD upang matiyak na ito ay katumbas ng saklaw na ibinibigay para sa hemodialysis.
JUNEX DORONIO