SA PANGKARANIWANG Pilipino, hindi madali ang umutang. Ayon sa 2021 Financial Inclusion Survey Report ng Bangko Sentral ng Pilipinas o BSP, karamihan sa ating mga kababayan ay naniniwala na hindi madali or mabilis umutang sa bangko o sa mga pormal na nagpapautang dahil na rin sa kakulangan sa mga kinakailangang dokumento, kawalan ng maisasanlang pagmamay-ari, at sa mababang sweldo. Ang kadalasan tuloy na pinagkukunan ng utang ng karamihan ay ang mga kamag-anakan, kaibigan, sa sariling employer, o kaya nama’y sa mga impormal na nagpapautang ngunit naniningil ng napakataas na tubo sa inutang.
Lingid sa kaalaman ng nakakarami, may makabangong pamamaraan na ng pagsusuri ng kakayahang umutang, gamit ang mga alternatibong impormasyon tulad ng SIM card data, social media, at iba pa. Layunin ng mga makabagong teknolohiyang ito ay padaliin at pabilisin ang proseso ng responsableng pag-utang.
Maraming nang mga bangko at mga formal financial institutions ang umaasa ngayon sa credit scoring services na gumagamit ng SIM card data upang mas mabuting tiyakin kung sino sa mga umuutang ang may kayayahang magbayad ng tama at napapanahon kahit hindi kumpleto ang kanilang mga dokumento o hindi madalas gumagamit ng banking services.
Sa pagpayag ng aplikante na gamitin ang kanyang SIM card data, mas madali nang matutukoy ng nagpapautang ang kakayahan ng aplikante na magbayad sa tamang oras, sa pamamagitan ng mga attributes tulad ng kung gaano ito kadalas magpa-load ng prepaid sim card nya, o kung gaano na katagal niyang ginagamit ang kaniyang SIM card mobile number. Ito at marami pang ibang attributes ang ginagamit na dagdag sa tradisyonal na impormasyon tulad ng laki ng sweldo o tagal sa pinagtatrabahuan upang mas mainam na masuri ang kakayahang magbayad ng umuutang.
Dahil sa mga alternatibong pamamaraan ng pagsusuri ng kakayahang umutang, mas marami nang Pilipino ang makakahiram ng pera sa madali at mabilis na paraan para pampuno na kani-kanilang pangangailangang pinansyal, alinsunod sa mga adhikain ng BSP tungo sa laganap na financial inclusion sa buong bansa.
Ang may-akda ay kasalukuyang Deputy Country Manager & Chief Finance Officer ng FinScore, isang fintech firm na tumutulong sa mga lehitimong kumpanyang nagpapautang sa pamamagitan ng makabagong teknolohiya na sumusuri sa kakayahang magbayad ng nanghihiram gamit ang alternatibong impormasyon na hinda tradisyonal na ginagamit sa pagpapautang. Nagtuturo din ang may-akda ng mga paksa ukol sa finance sa pamamagitan ng Acepoint.ph Training Consultancy Services. Ang may-akda ay maaaring i-email sa [email protected]