MAKABAGONG PTV INILUNSAD PARA SA BAYAN

PTV 4

TAGUIG CITY  – NAGING matagumpay ang PTV Trade Launch o  paglulunsad ng makabagong People’s Television (PTV) sa Marquies Event Place sa lungsod na ito noong Hulyo 12.

Ang makabagong PTV ay lalapatan ng modernong imahe, station ID, technical upgrades  na naglalayong paigtingin ang serbisyo bilang nag-iisang state channel ng bansa.

“Karamihan po ng News and Public Affairs and Public Service Shows ay in- house production po ng PTV dahil ‘yun ang ating strong suit although we still be conceptualizing new public affairs program in the coming future,” bahagi ng talumpati ni PTV Gen. Manager Dino Antonio Apolonio.

Ipinagpasalamat din ni Apolonio ang buhos na suporta ng Duterte administration sa pamamagitan ni Presidential Communication and Operation Office Sec. Martin Andanar kaya naman tutumbasan nila ng magandang serbisyo ang mamamayang Filipino sa paghahatid ng balita, impormasyon, kaalaman, at entertainment na nakapaloob sa mga programang mapapanood sa state TV channel.

Kinilala rin ng state channel ang suporta ng mga dumalo gaya nina PCOO Asec. Marie Banaag, PCOO Usec. George Apacible,  Department of Trade and Industry (DTI) Usec. Nora K. Terrado, mga kinatawan sa Social Security System (SSS), Philippine Charity Sweepstakes Office, Presidential Management Staff Usec, Karen Jimeno, mga kinatawan mula sa embahada ng Japan, Korea at China.

Nagpasalamat naman ang PTV sa kanilang partners, kabilang ang Global CAMG Philippines kung saan dumalo  ang mga opisyal nito sa pangunguna nina Country Manager Suki Su,  CEO Francis Lumen, Chief Operations Officer Peter Paul Sales at mga executive na sina Michelle Lee at Ofelia Orgas gayundin ang China Radio International-Philippines.

Samantala, tiniyak naman ni Andanar na magagandang programa ang aabangan sa PTV 4 at pinawi rin nito ang agam- agam hinggil sa ipalalabas na Chinovela sa Agosto at iginiit na hindi ito isang mind conditioning sa Chinese culture.

Aniya, hindi lang naman teleserye mula China ang ipalalabas dahil mayroon din mula sa Korea, Japan, o mga bansang sakop ng Asia kasama rin ang Russia.

Paglilinaw pa ni Andanar na walang ginastos ang pamahalaan sa mga nakaabang na foreign series at sa halip ay maaari pang  mag-generate ng revenue depende sa papasok na advertisement.

“Ang mahalaga po rito ay mayroon tayong iba’t ibang memorandum of understanding, gaya sa Russia, China, Japan, South Korea, Cambodia at Thailand, mayroon din sa Myanmar. We work with the entire ASEAN, we also work with other countries”, ayon kay Andanar.

“Wala po tayong gastos, and of course, ‘yung programa na mayroon tayong matutuhan pagdating sa kanilang kultura or maybe just a glimpse of their technology and also the way that they produce shows,” dagdag pa ng kalihim.  PILIPINO Mirror Reportorial Team

Comments are closed.