(Makabayan Bloc imbestigahan) VELASCO PINAKIKILOS

Lord Allan Velasco

HINAMON ng anti-communist groups at ilang civil society organizations si House Speaker Lord Allan Velasco na matapang nitong gampanan ang pagiging lider ng House of Representatives at imbestigahan ang mga solon ng Makabayan Bloc na ayon mismo kay Pangulong Rodrigo Duterte ay front ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army-National Democratic Front (CPP-NPA-NDF).

Ayon sa League of Parents of the Philippines (LPP), Liga Independencia Pilipinas (LIPI), Hands Off Our Children (HOC) at grupong Yakap ng mga Magulang, ang Kamara at hindi ang Senado ang may hurisdiksiyon sa Makabayan Bloc kaya naman hinihintay ng publiko ang aksiyon ni Velasco sa patuloy na pagtanggi ng mga progressive solon na may  koneksiyon sila sa communist groups.

Giit ni LPP Chair Remy Rosadio, si Velasco ay may sinumpaang tungkulin sa bayan.

“Kung noong una ay ipinagtanggol ni Speaker Velasco ang Makabayan Bloc sa red-tagging at sinabihang walang ebidensiya si General Parlade sa akusasyon nito, ngayon sana na may malinaw nang ebidensiya  ay gampanan niya ang kanyang pagiging lider,” ayon kay Rosadio.

Sinabi rin ni Gemma Labsan, founder ng Hands Off our Children na nakikipag-ugnayan na sila sa iba’t ibang non-governmental organizations (NGOs) mula sa iba’t  ibang sektor para kalampagin ang Kamara na umaksiyon laban sa Makabayan Bloc.

Aniya,  may kapangyarihan si Velasco na makapagsagawa ng imbestigasyon lalo na’t may malinaw na pronouncement ni Pangulong Duterte na kaugnayan talaga ng progressive solons sa makakaliwang grupo.

Giiit ng grupo, isang House Inquiry ang kailangan para mailantad ang katotohanan laban sa kung ano ang ginagawa ng Makabayan Bloc sa Kongreso. Ani Labsan, kung hindi aaksiyon si Velasco ay hindi matitigil ang recruitment sa mga kabataan sa NPA.

“Wala itong personalan kay Speaker Velasco, nagkataon lamang na siya ang House Speaker, ang aming panawagan ay maging lider siya, ang imbestigasyon ay ang siyang hinihingi ng lahat kaya walang dahilan para hindi ito gawin,” dagdag pa ni Labsan.

Ipinanawagan din ng grupo na sa oras na mag-imbestiga ang Kamara ay isapubliko ito, sa ganitong paraan ay mamumulat ang mga kabataan sa tunay na dahilan kung bakit nagkakaroon ng recruitment ang makakaliwang grupo.

“Hinahamon namin si Speaker Velasco na magsagawa ng imbestigasyon sa ethics committee at patalsikin na sila bago mahuli pa ang lahat,” giit pa ni Rosadio.

Ang ugnayan ng Makabayan Bloc sa CPP NPA ay nagkaroon ng basehan, ayon kay Defense Secretary Delfin Lorenzana nang mapatay sa engkuwetro ng militar at rebelde ang bunsong anak ni Bayan Muna Rep. Eufemia Culliamat na si Jevilyn. PILIPINO MIRROR REPORTORIAL TEAM

Comments are closed.