NOONG nakaraang linggo, isang magandang balita ang nabasa ko sa pahayagan. Ako ay nabigla subalit may kasamang tuwa nang malaman ko na muling itinalaga ni PBBM si Atty. Romando S. Artes bilang chairman ng Metro Manila Development Authority (MMDA).
Matatandaan na pinalitan ni Artes si Benhur Abalos bilang pinuno ng MMDA nang siya ay magbitiw sa puwesto upang maging campaign manager ni Bongbong Marcos noong nakaraang eleksiyon. Si Abalos ngayon ay Secretary ng DILG.
Subalit pagkatapos ng ilang buwan makaraang manungkulan si Marcos bilang ika-17 Pangulo ng Pilipinas, pinalitan si Artes ni Engr. Carlos Dimayuga III.
Hindi nagtagal si Dimayuga bilang pinuno ng MMDA. Itinalaga siya noong buwan ng Agosto at hindi pa umiinit sa kanyang upuan ay tinanggal siya sa kanyang posisyon, hindi nagtagal ng tatlong buwan si Dimayuga sa kanyang puwesto. Kung ano man ang dahilan kung bakit napalitan siya, ito ay maaaring pag-usapan sa mga susunod na pagkakataon.
Matatandaan na noong nakaraang taon ng Enero 6, binawian ng buhay si dating MMDA chairman Danilo Lim dahil sa Covid-19. Isang buwan lamang ang nakalipas ay pinalitan siya ni Abalos. Sa karanasan at kwalipikasyon naman ni Abalos upang gampanan ang mga magagandang programang sinimulan ni Lim, walang kaduda-duda na kaya ni Abalos ito. Sa katunayan ay ipinagpatuloy at pinabuti pa ni Abalos ang pagresolba ng mga suliranin na sinasakop ng MMDA sa gitna ng pandemya. Patuloy ang kumpiyansa at suporta na ibinigay ng mga mayor ng Metro Manila kay Abalos.
Subalit dahil sa pagbibitiw ng Abalos bilang pinakamataas na opisyal ng MMDA, ibinigay ang responsibilidad kay General Manager Romando Artes bilang OIC ng nasabing ahensiya at pormal na nakakuha ng pormal na appointment bago matapos ang administrasyon ni Duterte . Matatandaan na pinalitan ni Artes ang dating GM ng MMDA na si Jojo Garcia dahil sa pagpasok niya sa politika. Si Garcia ngayon ay nahalal bilang kongresista ng bagong itinaguyod na 2nd District ng San Mateo City sa lalawigan ng Rizal.
Kabaligtaran si Artes nina Abalos at Garcia kung ang pag-uusapan ay pagiging visible sa media. Ngunit kilala si Artes bilang masipag at magaling na administrador.
Para sa kaalaman ng publiko, uulitin ko ang ilang bahagi ng naisulat ko dati sa aking kolum tungkol kay Atty. Romando Artes. Siya ay nagtapos ng kolehiyo sa San Beda College ng B.S. Commerce Major in Accountancy at pumasa bilang CPA noong 1993. Ipinagpatuloy niya ang kanyang pag-aaral at nagtapos ng abogasya sa San Beda College of Law noong 1998. Nagtapos si Artes bilang panlima sa kanilang graduating class. Ang grado niya noong pumasa siya sa Bar Examination ay 87.88%.
Bilang isang CPA-Lawyer, kinuha siya agad ng Sycip, Gorres and Velayo and Co. (SGV) auditing firm. Matapos ang isang taon ay kinuha siya bilang associate ng Cayetano, Sebastian, Dado & Cruz Law Office.
Si Artes ay tubong Biñan, Laguna. Kaya naman ibinahagi niya ang kanyang galing at talino bilang municipal legal at accountant ng Munisipalidad ng Biñan. Dito na siya napansin ng mga liderato ng ating bansa. Nagtrabaho siya sa iba pang mga pangunahing lokal na opisyal sa lungsod ng Sta. Rosa, Laguna. Bukod dito ay naglingkod din siya bilang chief of staff ng dalawang senador. Sila ay sina Jamby Madrigal at Senadora Pia Cayetano.
May karanasan din sa Artes sa aspeto ng Solid Waste Management bilang Technical director ng Joint Congressional Oversight Committee on Solid Waste Management noong 2004 hanggang 2006 at pinamunuan niya muli ito noong 2008 hanggang 2010.
Noong May 2017, isinama siya ni Danilo Lim sa MMDA upang pamunuan ang Finance and Administration ng MMDA bilang Assistant General Manager. Kung tayo ay magbabalik-tanaw sa pamumuno ni Lim, walang bahid ng katiwalian tayong narinig.
Sa katunayan ay tumaas pa ang mga benepisyo ng mga empleyado ng MMDA. Sa totoo lang, ang makakasilip lamang niyan ay sa opisina na finance. Andoon kasi ang kaban ng MMDA.
Kaya kampante ako na sa pagbabalik ni Atty. Artes bilang chairman ng MMDA ay ipagpapatuloy niya ang mga magagandang programa ng MMDA sa larangan ng traffic management, flood control, koordinasyon sa mga Metro Manila Mayors at iba pang mga responsibilidad na ginagampanan ng MMDA. Mabuhay ka, Atty. Romando Artes!