ILANG linggo nang laman ng mga peryodiko at iba pang sangay ng media ang pagsusulong ng impeachment ni Vice President Sara Duterte dahil sa sunod-sunod na reklamong ginawa niya sa confidential fund ng OVP.
Habang isinusulat ko ang kolumn na ito, dalawang impeachment complaint na ang isinampa ng grupong makakaliwa, na nagsasaad ng ilang rason gaya ng maling paggamit ng kanyang confidential fund, pagbabanta sa buhay ng Pangulo at Unang Ginang, paglabag sa Saligang Batas, at kawalan ng tiwala sa kanya para tuluyan na siyang ma-impeach.
Pero ang katanungan dito, may mapapala ba ang mga Pilipino sa ginagawang aksiyon ng ilang grupo at kongresista para patalsikin ang bise presidente? O baka naman gusto lang nilang mag-ingay para mapansin sila dahil nalalapit na ang national elections?
Mismong ang Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang nagsumamo sa mga mambabatas at iba pang grupo na huwag nang isulong ang impeachment ng bise presidente dahil wala namang itong kahihinatnang maganda sa buhay ng maraming Pilipinong naghihirap.
Sinabi ng Pangulo na magsasayang lang ang gobyerno ng panahon at pera para isulong ang impeachment ng bise presidente.
Dagdag pa ng Pangulo, mauubos lang ang oras ng Mataas at Mababang Kapulungan sa walang kapararakang isyu. Mariin niyang sinabi na wala itong kahahantungang maganda na makakatulong sa buhay ng mga Pilipino.
Maaaring makakuha ng sapat na numero sa Mababang Kapulungan – 106 of 316 – para ma-impeach ang bise presidente, pero dadaan pa rin ito sa butas ng karayom kapag ipanasa na sa Senado ang kaso. Kailangan pa rin kasi na 16 sa 24 na senador ang pumabor sa impeachement, na mukhang malabong makuha dahil marami sa senador natin ang panig pa rin sa bise presidente.
Eto pa ang ang isang isyu, magpapahinga na ang Mababang Kapulungan pagdating ng Enero at babalik sila pagkatapos na ng eleksiyon sa Mayo. Paano kung mahalal ang mga mambabatas na ‘di ayon sa impeacmement? Ito marahil ang sinasabi ng Pangulo na walang kahihinatnang mabuti ang pagsulong ng impeachment.
May naglabasan ding video kamakailan na pati na ang malakas na religious group na Iglesia ni Cristo or INC ay susuportahan ang bise presidente. Agad namang pinabulaanan ng INC ang nasabing video. Matatandaan na inendorso ng INC and Marcos-Duterte team noong nakaraang eleksiyon.
Ilang matataas na opisyal ng bansa ang na-impeach kagaya ni dating Pangulong Joseph Estrada, pero ito ay sa pamamarang people power. Naalis din bilang chief justice si Renato Corona matapos na mapatunayan na may katiwalian siyang ginawa.
Iba ang kaso ng bise presidente ngayon, dahil kahit maalis siya, sino ang karapat-dapat na pumalit sa kanyang posisyon? Makasisiguro ba ang taumbayan na bubuti ang kanilang buhay kapag napatalsik siya?
Ang buong daigdig ay nakatututok din sa atin dahil sa away politika na nakaaapekto lang sa paningin ng mga potensyal na banyagang negosyante na gustong pumasok sa bansa at mamuhunan.
Ayaw ng mga banyagang kompanya ang magulong sitwasyon sa isang bansa, Mas maigi pa na sa ibang bansa na lang sila mamuhunan kagaya ng Vietnam o Cambodia.
Ilang araw na lang at Pasko na. Nawa’y maayos na ang ingay politika sa bansa at magkaroon ng kapayapaan at pagpapatawad na siyang dahilan kaya natin ipinagdiriwang ang pagsilang ni Hesukristo.