Mga bumubuo ng KABANSA mula sa iba’t ibang local studies center sa bansa. Kuha ni RIZA ZUNIGA
GSIS, Manila — Bilang pagdaraos ng Museums at Gallery Month 2024, isinagawa ang pagtalakay sa mga paksang may kinalaman sa lokal na pag-aaral (Local Studies) at nakapagbahagi ang ilang tagapagsalita tungkol sa mga Regional Spaces at Local History.
Pinangunahan ni Raymundo Andres V. Palad, Director ng GSIS Museum at ng Corporate Social Advocacies Department, ang pagbubukas na ika-apat na General Assembly at Summit on Local Studies na dinaluhan ng mga iba’t ibang kinatawan ng mga local studies center sa bansa.
Ang unang paksang tinalakay ay tungkol sa “Province of Spaces,” ni Ian Christopher Alfonso, isang Assistant Professor ng Department of History ng University of the Philippines. Dito ibinahagi ni Alfonso ang pagbibigay kapangyarihan sa lokal na mga lugar katulad ng bayan niya sa Macabebe, Pampanga.
Binanggit ni Alfonso na iilan lamang ang nakaka-alam na si Vicente Manansala ay isang National Artist mula sa Macabebe, Pampanga.
Dagdag niya, ano pa ang mga bagay na kakaiba sa mga bayan katulad ng pagkain, maging ang mga katawagan o sangkap sa pagkain? Mga kaugalian, nakagawian, mga makasaysayang lugar, katulad sa Macabebe, Pampanga. Aniya, “Hindi na naituturo ng mga guro ang Pampanga River.”
Kaya’t mahalaga ang pag-aaral sa mga lugar kung saan matututo ang tao sa mga may kinalaman sa nakaraan at lokal na pag-aaral. Binigyang diin ni Alfonso na kung ilang dekada na isinusulong ng mga iskolar ang pagkilala sa lokal na kasaysayan bilang mahalagang pagtuunan ng oras at mapagkukunan ng kaalaman sa akademya.
Sinundan ito ng pagbabahagi ng “Relevance of Studies Centers: An Update,” ni Dr. Emmanuel F. Calairo ng DLSU-Dasmarinas City. Kanyang naisalaysay ang mga hamon na kinakaharap ng local studies center, mga gabay sa pagbubuo nito at mga pagkakataon sa pagpapalawak ng mga local studies center sa bansa.
Ang ikatlo ay “Local History and Heritage Promotion: The Palawan Studies Center Experience” ni Prof. Michael Angelo A. Doblado, Director ng Palawan State University. Mula sa mga naihayag na paglago at mga hamon sa karanasan ng pagbubuo ng sariling angkop na lugar at maging makabuluhan sa kasaysayan ng Palawan, kasama rin sa proseso ang institutional building, linking with municipal and provincial local government units, pagbubuo ng international contacts, kolaborasyon sa ahensya ng pamahalaan, mga inisyatiba sa mga lokal na pamana at pakikiisa sa mga insitusyon sa kultura at konseho sa sining.
Ang ika-apat ay “Center for Kampangan Studies: Activities and Options for Higher Education Institutions,” ni Alex del Rosario Castro, isang consultant at curator. Ibinahagi ni Castro ang mainit na pagtanggap sa sentro ng pag-aaral ng Kampampangan, sa patuloy na adbokasya tungkol sa paglilinang ng mga non-traditional platforms, kasabay nito ang pagbibigay puwang sa teknolohiya, kaya’t napakayaman ng pagbibigay-daan sa pop culture, filmmaking, songwriting, publishing, tourism, credentialing, international marketing, humanitarian service at religious affairs.
Ang ika-lima ay ang pagbabahagi sa “Mauban Studies Center: A Shared Initiative of the Local Government Unit of Mauban and Mauban Historico-Cultural and the Arts Council,” ni Anabelle M. Calleja, Municipal Tourism Officer ng Mauban, Quezon. Isinalaysay ni Calleja na malaking bahagi ang lokal na pamahalaan sa pagbubuo ng Mauban Studies Center. May pagkakataong ng malaman ng taumbayan ang kultura, kasaysayan, sining at pamana sa bayan ng Mauban.
Ang pagtitipon ay naging pagkakataon para sa diyalogo tungkol sa Kapisanan ng mga Bahay-Saliksikan sa Bansa o KABANSA at Oathtaking ng mga bagong miyembro ng KABANSA.
Sa ngayon, pag-iibayuhin ng KABANSA ang kanyang pangako na palakasin ang pamanang lokal sa pamamagitan ng pagbubuo ng mga kumperensya at mga pagtitipon, sa pakikipag-ugnayan sa iba’t ibang organisasyon.
Ang mga miyembro ng KABANSA ay Cavite Studies Center, Center Bulacan Studies, Tarlaqueño Studies Center, JDN Center for Kapampangan Studies, Cordillera Studies Center, Center for Batangas Studies, Batangas Heritage Center, Santa Rosa Studies Center, Tayabas Studies and Creative Writing Center, Center for Mindoro Studies and Cebuano Studies Center.
RIZA ZUNIGA