HINIMOK ngayon ng PASAHERO Partylist ang gobyerno na pansamantalang suspendihin ang ipinapataw na excise tax sa ilang produktong petrolyo, partikular sa mga ginagamit ng mga pampublikong transportasyon. Ito, anila ay upang mapagaan sa mga konsyumer ang epekto ng inflation.
Ayon kay PASAHERO Partylist founder Allan Yap, makatutulong ang pagsuspinde sa ipinapataw na excise tax sa mga produktong petrolyo tulad ng diesel, kerosene at liquefied petroleum gas sa pagpapagaan ng domino effect ng taas-presyo ng mga ito sa mga pangunahing bilihin.
“Malaking tulong sa publiko ang suspension ng excise tax on oil dahil alam naman natin na malaking bahagi ng consumer spending ay nakatuon sa transportasyon, sa housing, sa tubig, koryente at gas,” ani Yap.
Aniya, 7.81 porsiyento ng consumer spending ay napupunta sa transportasyon, habang 22.47 percent naman ay napupunta sa mga gastusin para sa bahay, tubig, koryente at gas. “Kaya makatutulong talaga kahit paano ang pagsuspinde sa excise tax,” pagdidiin ni Yap.
Kaugnay nito, sinabi ni Yap na suportado rin ng kanilang partido ang panawagan ng ilang mambabatas na suspendihin ang ipinapataw na 12% VAT sa lahat ng porduktong petrolyo, partikular ang ginagamit ng public utility vehicles.
Matatandaan na nitong nakaraang Nobyembre 2021, nakilahok ang PASAHERO partylist sa malawakang panawagan na suspendihin ang excise tax sa fuel products kasunod ng tuluy-tuloy na taas presyo sa mga naturang produkto.
Layunin ng nasabing proposisyon ay hindi lamang para mapagaan ang gastusin ng mga motorista, kundi para rin sa kapakanan ng publiko.
Nagbabala rin si Yap kaugnay sa patuloy na pagsirit ng presyo ng langis na posibleng makaapekto sa kakayahang pinansiyal ng publiko, gayundin sa input cost ng agriculture at industrial sectors.
“Kasi po, kapag tumataas ang presyo ng fuel, apektado rin ang presyo ng essential commodities. At kapag nangyayari ‘yan, nagsasakripisyo ang budget ng mga pamilya. Ang problema pa rito, lahat tayo, hindi pa nakakabangon sa hirap na dinaranas natin sa pandemya,” ayon kay Yap.
Ang PASAHERO partylist o ang Passengers and Riders Organization Inc., ay isang non-stock at non-profit organization na naglalayong maikatawan sa Kongreso sa darating na halalan ang mga mananakay sa iba’t iang uri ng transportasyon na kinabibilangan ng tricycle operators and drivers sa buong bansa.
Isa ang PASAHERO sa may 165 partylist groups na idineklara ng Commission on Elections na lehitimong partido na maaaring lumahok sa eleksiyon sa Mayo 9 ngayong taon.