(Makahikayat ng mas maraming turista) HALAL INDUSTRIES PALALAKASIN

BINIGYANG-DIIN ni Vice President Sara Duterte ang pangangailangan na palakasin ang Halal industries para makapagpasok ng mas maraming turista.

Ang ibig sabihin ng Halal ay pagkain at mga produkto na pinahihintulutan ng mga batas ng Islam.

Ayon kay Malaysian Ambassador Abdul Malik Melvin Castelino at Brunei Darussalam Ambassador Megawati Manan sa magkahiwalay na courtesy call noong Huwebes na ang pagpapalakas ng halal na industriya sa Pilipinas ay gagawing mas palakaibigan ang bansa para sa mga komunidad ng Muslim.

Sumang-ayon naman ang Bise Presidente na magtatag ng mga programa na naglalayong palakasin ang halal upang mas mapagsilbihan ang mga Muslim at dayuhang turista.

“Tungkol sa industriya ng Halal, oo, sumasang-ayon ako sa iyo. Noong mayor pa ako sa Davao City, isa sa mas malaking proyekto namin ay tungkol sa turismo. And we were missing out a segment of tourists because there’s much [of them who asked] how strong is the halal industry,” ani VP Sara kay Ambassador Megawati.

“Tama, wala pa tayo noon kaya gumawa tayo ng Davao City Halal Council para pag-usapan kung paano natin mapapalakas ang halal industry sa Davao City,” dagdag pa nito.

Ibinahagi din ng Bise Presidente na bago matapos ang kanyang termino bilang alkalde, nakapagtatag ng halal slaughterhouse ang pamahalaang lungsod.

Samantala si Ambassador Malik, sa kabilang banda ay nagsabi sa Bise Presidente na ang mga potensyal ng halal na industriya, kabilang ang mga kosmetiko ay maaaring tuklasin.

Nagpakita rin ang mga sugo ng interes sa pag-aalaga ng kani-kanilang mga larangan ng pagtutulungan sa larangan ng edukasyon, pagpapaunlad ng turismo, kalakalan at industriya, at sa pagpapalalim ng bilateral na relasyon sa pagitan ng mga bansa.

Ibinahagi ng Bise Presidente na Kalihim din ng Edukasyon at kasalukuyang pangulo ng Southeast Asian Ministers of Education Organization (SEAMEO) kina Ambassadors Malik at Megawati ang kanyang mga mungkahing pagbisita sa mga bansang miyembro ng SEAMEO sa panahon ng kanyang Council Presidency.
ELMA MORALES