MAKAPANGYARIHANG AHENSYA PARA SA SAKUNA, TRAHEDYA, KAILANGAN NG ‘PINAS

Senador Sonny Angara

MAS pinalakas at mas makapangyarihang ahensiya ng gobyerno ang kailangan ng bansa sa mga panahon ng trahedya tulad ng naganap na malakas na paglindol  nitong Lunes  na kumitil sa buhay ng walo  katao, malubhang ikinasugat ng maraming iba pa at sumalanta sa mahahalagang impraestraktura sa ilang bayan sa Luzon.

Ito ang panawagan ni Senador Sonny Angara kasabay ng pagpapaabot ng pakikiramay sa mga pamilyang nawalan ng mahal sa buhay, dulot ng naturang trahedya.

“Paalala ito sa atin na dapat na tayong kumilos at magtatag ng isang institusyon na malayang magpapatupad ng kanyang respon-sibilidad partikular sa mga krisis tulad nito,” ani Angara. “Ang ahensiyang ito ang bubuo ng mga kaukulang hakbang sa pag­resolba sa malubhang epekto ng natural disasters at siya ring sisiguro na maliligtas ang buhay ng mga apektado.”

Mababatid na noong nakaraang taon, isainulong ni Angara ang Senate Bill 1994 o ang Disaster Resilience Act, isang panukala na naglalayong magtatag ng Department of Disaster Resilience na mangunguna sa pagharap sa mga trahedya at emergency situations saan mang panig ng bansa.

Ang naturang panukala ay nananatiing nakabimbin sa Senate Committee on National Defense and Security, bagaman naipasa na ang counterpart bill nito sa Mababang Kapulungan noon pang Oktubre nang nakalipas na taon.

Ani Angara, napakahalaga para sa bansa na matutukan ang sitwasyon nito sa iba’t ibang sakuna o trahedya dahil isa ang Filipi-nas sa mga bansa sa buong mundo na madalas tamaan ng iba’t ibang kalamidad.

Base sa pag-aaral, ang Filipinas ay nasa geographical location ng Pacific Ring of Fire at ng Tropical ­Cyclone Belt, palatandaan na kaila­ngang pakabantayan ang bansa laban sa anumang uri ng natural disaster.

Noong  2016, pu­mangatlo ang Filipinas sa World Risk Index bilang isa sa mga bansang lapitin ng panganib. Taon-taon, bilang patunay, dinaranas ng bansa ang iba’t ibang trahedya tulad ng bagyo, lindol, pagsabog ng bulkan, matitinding pagbaha at mga pagguho ng lupa.

“Sa ilalim ng ating panukala, inaatasan ang Department of Disaster Resilience (DDR) na pangunahan ang lahat ng hakbang ng gob­yerno sa paniniguro na ligtas ang bawat mamamayan at ang bawat komunidad na tatamaan ng trahedya,” ayon kay Angara.

Dagdag pa rito, ani Angara, nakaatang din sa balikat ng pinuno ng DDR ang pag-anunsyo o deklarasyon ng state of calamity sa mga lugar na sinalanta ng sakuna upang makontrol ang halaga ng mga bilihin, at ang pagpapautang ng gobyerno nang walang interes at buwis sa mga biktima.       VICKY CERVALES

Comments are closed.