CAMARINES SUR – NAIUWI na sa lalawigang ito ang labi ng Filipina tourist na napaulat na missing simula noong Disyembre 2018.
Ang katawan ni Balmaceda Paaño, isang resort worker sa Coron, Palawan, ay dumating sa bansa at nai-turn over sa kanyang kaanak sa bayan ng Pasacao.
Si Paaño, 26-anyos, ay nakapag-post pa ng kanyang mga larawan sa social media nang mamasyal sa Bali noong Disyembre 22, 2018.
Makaraan niyon ay wala nang balita sa kanya hanggang matagpuan ang kanyang naaagnas na katawan sa isang kahon noong Agosto.
Batay sa pahayag ng kanyang kapatid, base sa sumuring doktor sa bangkay ni Paaño ay mga apat na buwan pa lamang ito namamatay.
Napag-alaman pa na kasama ni Paaño ang isang Russian na kasamahan sa trabaho habang ang amo nitong Spanish ang humimok na magbakasyon sa Bali.
Giit pa ng mga kaanak ni Paaño tanging ang kasamang Russian at Spanish ang makasasagot kung ano ang tunay na dahilan ng pagkawala at pagkamatay ng biktima. PILIPINO MIRROR REPORTORIAL TEAM
Comments are closed.