(Makaraang tapusin ng CPP-NPA-NDF ang ceasefire) PNP NAKA-FULL ALERT

Eduardo M. Año

CAMP CRAME-ITINAAS ng Philippine National Police (PNP) ang kanilang alerto sa buong bansa makaraang tapusin ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army-National Democratic Front (CPP-NPA-NDF) ang kanilang kautusan na tigil putukan sa mga tauhan o nangangahulugang handa sila pag-atake kahit hindi pa tapos ang krisis na dulot ng coronavirus disease (COVID-19).

Sa pahayag ng PNP, si Interior Secretary Eduardo Ano ang nag-utos na itaas ang alerto ng pulisya upang mapigilan ang balak ng komun-istang grupo ng paghahasik ng karahasan sa gitna ng pandemic.

Kinondena rin ng kalihim ang pagkalas ng CPP-NPA-NDF sa tigil putukan na nangangahulugan nasa offensive mode ang mga ito.

Tiniyak naman ni PNP Chief, Gen. Archie Francisco Gamboa na handa ang 205,000 strong policemen na proteksyonan ang mamamayan laban sa posibleng karahasan at pangggulo ng mga rebelde.

“We are now in full alert, ready and able to defend the country against any atrocities of this communist terrorist group,” ayon sa statement ng PNP.

Dismayado rin si Gamboa sa naging hakbang ng CPP-NPA-NDF dahil nais nitong ipahamak at pigilan ang ginagawa ng gobyerno para resolbahin ang pandemic.

Sinabi naman ni PNP Spokesman, BGen. Bernard Banac na bagaman abala sila sa pagtugon sa kautusan ni Pangulong Rodrigo Duterte na pigilan ang paglawak ng kaso ng COVID-19, handa rin silang maging katuwang ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na pigilan ang ban-tang panggugulo o pag-atake ng mga rebelde.

Magugunitang noong Marso 26 ay nagdeklara ang CPP-NPA-NDF ng ceasefire makaraang manawagan ang United Nations noong Marso 19 ng katahimikan dahil apektado na ng pandemic ang buong mundo.

Tiniyak din ni Banac na magpapatuloy ang kanilang tungkulin sa pag-iral ng enhanced community quarantine sa Metro Manila at iba pang bahagi ng Luzon na may high risk cases. PILIPINO MIRROR REPORTORIAL TEAM

Comments are closed.