(Makasasama sa ekonomiya – biz group) PAGBOYKOT SA CHINESE FIRMS INALMAHAN

NAGBABALA ang Federation of Filipino-Chinese Chambers of Commerce and Industry Inc. (FFCCCII) laban sa posibleng epekto sa ekonomiya ng isinusulong na pagboykot sa mga kompanya at produkto ng China kasunod ng isa pang insidente sa West Philippine Sea.

Sa panayam sa Super Radyo dzBB, nagpahayag ng reservations si FFCCCII President Cecilio Pedro hinggil sa panawagan ni Senate President Juan Miguel Zubiri na i-boycott ang mga kompanya ng China.

“Alam ninyo ‘yung boycott na ‘yan, nakakasama to both countries. Kasi kung sila, nag-boycott din, hindi bumili sa atin ng mga raw materials natin, mga prutas na ine-export natin, maraming mapipinsala diyan. Kaya hindi gano’n kadali na sabihin na boycott kasi babalikan din tayo niyan eh,” sabi ni Pedro.

Ayon pa kay Pedro, makabubuting pag-aralang mabuti at ikonsidera na ang China ang pinakamalaking trade partner ng Pilipinas, na bumubuo sa 18% ng total foreign trade ng bansa o $39 billion.

Karamihan sa imported goods na pumasok sa bansa noong nakaraang taon ay nagmula rin sa China, na umabot sa $28 billion o 20% ng total imports.

Kaugnay nito ay hinikayat ni Pedro ang mga mambabatas na maging mahinahon at maghanap ng iba pang solusyon para matugunan ang tensiyon sa West Philippine Sea.