TARGET ng Makati Dreamchaser na makabawi sa natamong kabiguan sa pakikipagtuos sa Batangas Mataas Na Kahoy sa pagpapatuloy ng aksiyon sa National Youth Basketball League (NYBL) Under-19 National Championship ngayong Linggo sa Central Recreation and Fitness Center sa New Era, Quezon City.
Kinapos ang Batang Makati laban sa Binangonan Rizal, 65-71, sa pagsisimula ng liga noong nakaraang Disyembre 18, habang nakamit ng Antipolo Cocolife ang unang panalo nang pabagsakin ang Manila Philippine Christian University, 78-70, sa Tivoli Royale Country Club sa Quezon City.
Kasalukuyang nangunguna ang Binangonan na may 2-0 karta matapos manaig sa Cabiao-MOJ, 99-92, noong nakaraang Disyembre 23 sa Ynares Sports Center. Nauna rito, ginapi ng WL Gumaca Kuyas and Cabiao, 99-92, noong Disyembre 21 na ginanap din sa Ynares.
Ayon kay NYBL founder Bhot Arimado, bukas pa ang liga para sa mga nagnanais na lumahok habang hindi pa natatapos ang unang round ng liga na suportado ng Spalding, Toby’s Sports, East Dental Clinic, Tivoli Royale, at Be the Best Athletes Hoop Basketball.
“Right now, we have already nine teams, pero sa mga gusto pang mag-join open pa until hindi pa tapos ang first round ng ating liga. Kontakin lang ninyo ako sa official Facebook namin sa NYBL” pahayag ni Arimado, katuwang sa pangangasiwa sina Commissioner Robert dela Rosa at technical head Pol Cleofas.
Aniya, mapapanood ang aksiyon via livestreaming sa NYBL Pilipinas Sports TV channel https://youtube.com/@NYBL_PILIPINAS_SPORTS_TY.
Ibinida rin ni Arimado ang paglarga ng women’s division sa pagitan ng Atty. Ping Bacaron team at ng Sunday Rim Hoppers pagkatapos ng laro sa National Championship, gayundin ang 2023 Season ng inter-school club tournament.
EDWIN ROLLON