MAKATI BUSINESS CLUB ISINUSULONG ANG RATIPIKASYON NG EOPT BILL

SUMAMA  na ang Makati Business Club (MBC) sa malawakang panawagan na ipasa na ang panukalang batas sa simple at mabisang pagbabayad ng buwis at magpapalago sa pagtupad nito ng mga Pilipino. Kasabay nito, kinilala rin ng grupo ang mga pagsisikap ni Albay Rep. Joey Sarte Salceda sa pagreporma sa ganoong mga batas.

Si Salceda ang chairman ng House Ways and Means Committee.

Sa isang pahayag kamakailan, sinabi ng MBC: “Ipinapanalangin namin na ang Kamara, Senado at Pangulong Marcos ay magkasundo at isabatas na ang EOPT (Ease of Paying Taxes) bill ngayong taon para maging simple at madali ang pagbabayad ng buwis, palaguin ang pagtupad nito, palakasin lalo ang pananalapi ng gobyerno at makatulong sa mga negosyo sa paglikha ng higit na kapaki-pakinabang na mga trabaho.”

“Kinikilala din namin ang lideratong ipinakikita ni Rep. Joey Salceda na siyang may-akda ng House Bill 4124 o EOPT, na ipinasa na ng Kamara noon pang Setyembre 2022. Masidhi naming inaamuki ang Senado at Kamara na magkaisa at aprubahan na ang panukalang batas,” pahayag ng MBC na pinasalamatan din ang Senate Ways and Means Committee na inaprubahan na rin ang SB 2224, ang EOPT bersiyon nito.

Ipinaliwanag ng MBC na sa ilalim ng EOPT, magiging simple at madali ang pagbabayad ng buwis ng lahat, lalo na ng maliliit at katamtamang mga negosyo para makatulong sa pagpondo sa programa, serbisyo, mga impraestruktura ng gobyerno at pambansang seguridad. Bukod sa mga ito, malaki rin ang magagawa ng batas para maituon ng mga negosyo ang oras at pagsisikap nila sa paglikha ng mga trabaho at tulong sa pag-unlad ng pambansang ekonomiya.

“Inaasahan namin na kasama sa mga pagbabagong itatalaga ng EOPT ang higit na mabisang sistema ng klasipikasyon ng mga ‘micro, small and medium enterprises’ (MSMEs) at malalaking negosyo at pagtatalaga ng mga ‘special units’ na tutuon sa kanilang mga pangangailangan,” sabi ng MBC.

Nais din at inaasahan ng MBC na hahayaan nang magbayad ng buwis ang mga negosyo sa alin mang Revenue District Office (RDO) ng BIR sa pamamaraang aktuwal o ‘electronic’ sa halip na tanging sa lugar ng RDO na kinalalagyan ng kanilang negosyo dahil sa pahirap ito mga negosyonga may sangay sa ibang lugar.

Noong nakaraang Marso, binigyang diin din ng Philippine Chamber of Commerce and Industry (PCCI) na “sadyang kailangan ang malinaw na panuntunuan sa pagbabayad ng buwis upang maengganyo ang lahat na magbayad sa halip na iwasan ito.” Iginiit ito ni PCCI president George Barcelon sa pangkalahatang pulong ng mga kasapi nila noong Marso.

Nanawagan din si Salceda kamakailan sa mga senador na ipasa na ang mga prayoridad na panukalang batas ni Pangulong Marcos, kasama ang EOPT at Estate Tax Amnesty Extension bill (HB 7909) na siya rin ang may-akda sa Kamara.

Ayon kay Salceda, nitong nakaraang linggo, isinusulong na niya ang pag-apruba sa bersiyon ng Senado sa Estate Tax Extension bill, upang huwag nang maantala pa sa deliberasyon ng Bicam Committee at makahabol sa SONA ng Pangulo sa darating na Hulyo.

“Posible pa, kahit medyo gipit na sa panahon, na maipasa ang mga naturang panukalang batas bago mag-’adjourn sine die’ ang Kongreso sa Hunyo 3, malagdaan ang mga ito ng Pangulo at maisama sa SONA,” sabi ni Salceda.