IDEDEPENSA ng Makati FC ang kanilang Paul Parker overall title sa pagsisimula ng JSSL Singapore Academy 7’s 2024 sa Huwebes.
Sumandal sa impresibong championship run ng Girls 2011 at sa Finals appearances ng Girls 2009, Boys 2011 at Boys 2009 nito, nakopo ng Makati FC ang overall crown noong nakaraang taon.
Sa four-day competition ngayong taon, ang Makati FC, na naghari rin noong 2018, ay magpapasok ng 14 teams. Kabilang sa mga lalahok ang mga miyembro ng Girls 2008 team na nagwagi ng second place sa Gothia World Youth Cup noong nakaraang taon.
Umaasa sina Cebu standout Yona De La Calzada, Pontevedra, Negros Occidental’s Joyce Gemberva at San Carlos, Negros Occidental’s Shine Cadayona na makagawa ng impact kasama ang mga bagong recruits ng youth club na sina Raven Undan, isang 8-year-old standout mula Barili, Cebu, at Gab Callao, isang 10-year-old stalwart mula Dumaguete City.
Ang Makati FC ay nagpasok din ng entries sa Girls 2010, 2012 at 2014 divisions, gayundin sa Boys 2009, 2010, 2011, 2012, 2013, 2014, 2015, 2016, 2017 at 2018 upang palakasin ang Paul Parker trophy bid nito.
“Makati FC’s commitment goes beyond winning titles, it’s about inspiring and leading the local football scene to strive for excellence and push boundaries, setting the standard for future generations to follow,” sabi ni club president SeLu Lozano. Ito na ang ika-8 taon ng paglahok ng Makati FC sa Asia’s premier youth football championship. Magmula nang unang lumahok ang club sa torneo noong 2016, nagbukas ito ng maraming pintuan para sa iba pang Philippine clubs na makabiyahe at lumahok sa pinakaaabangang youth tournament na lalahukan ng 400 teams mula sa 17 bansa.