NAKAHANDA ang Makati FC na ipakita ang kanilang talento laban sa pinakamahuhusay na youth football players sa mundo sa Gothia World Youth Cup simula July 14 hanggang 20 sa Gothenburg, Sweden.
Ang decorated Philippine youth club, nasa kanilang ika-39 taon na ngayon ng paglahok, ay magpapadala ng mga koponan sa Girls 14 (2010) at Girls (2012) at Boys 13 (2011) division.
Ipakikilala ng Makati FC ang 11 exceptional kids mula sa mga lalawigan na sasama sa koponan.
Kabilang sa mga talento si Shine Cadayona mula San Carlos City, na bibiyahe sa Europe sa unang pagkakataon kasama si Yona De la Calzada ng Cebu, na bahagi ng Girls 14 team na nagwagi ng silver.
Magbabalik si Grace Gella mula Pontevedra upang muling makipagtambalan kina Ariana Gementiza at Ella Chua, na bahagi ng Girls 12 team na tumapos sa third place.
Bago sumabak sa Gothia Cup, ang Makati FC ay magbabalik sa Helisinki Cup matapos ang 30-year hiatus mula July 8 hanggang 14 sa Finland. Ang 45-strong delegation ay umalis para sa Euro sortie ng koponan noong Sabado.
Noong nakaraang taon ay dalawang girls teams ng Makati FC ang nagtamo ng podium finishes sa pinakamalaking youth football tournament sa mundo.
Ang Girls 14 squad ay matikas na nakihamok bago yumuko sa Kvarnsvedens IK ng Sweden, 7-8, via penalties matapos ang 2-2 draw sa extra time, kung saan ito ang unang pagkakataon sa loob ng 38 taon na nasa finals stage ang Makati FC.
Samantala, ang Girls 12 ay tumapos naman sa third place.
Namayagpag din ang Makati FC sa Asia’s premier youth football tournament, sa pagkopo ng Paul Parker overall championship sa JSSL 7s sa Singapore noong nakaraang taon.