AALIS ang Makati FC patungong Singapore sa September 1 upang sumabak sa JSSL Singapore Professional Academy 7s.
Lalahok sa kanilang unang overseas competition sa panahon ng pandemya, ang Makati FC ang magiging pinakamalaking Philippine delegation na magpaparada ng mga koponan sa anim na age groups.
Ang 2022 edition ay gaganapin sa September 2-4, tampok ang 11 categories para sa boys na may edad 6 hanggang 16, at apat para sa girls na may edad 10, 12, 14 at 16.
Sa pinakahuling kumpetisyon ng event noong 2019, ang Makati FC ay nagpadala ng 10 age groups teams – ang pinakamalaking delegasyon sa torneo.
Nakopo ng Makati FC ang Paul Parker overall champion trophy noong 2018 at naghari sa boys U10, U13, at girls U16 magmula nang lumahok sa liga noong 2016.
Itatampok din ang youth teams ng Tottenham Hotspur FC, Valencia CF, JSSL FC, Melbourne City FC, Bangkok United at Johor Darul Ta’zim sa pagbabalik ng torneo.
Ang Philippine Airlines ang magiging official partner ng Makati FC para sa kanilang international tournaments ngayong taon.
Ang Makati FC ay gumaganap ng mahalagang papel sa paghubog sa young football athletes sa Pilipinas magmula noong 1976, kung saan pinangunahan ni Tomas Lozano, dating Real Madrid FC player, ang youth football sa bansa.