MAKATI KAUNA-UNAHANG ‘RESILIENCE HUB’ SA ASYA

INIHAYAG ni Makati City Mayor Abby Binay na iprinoklama ang lungsod na kauna-unahang ‘Resilience Hub’ hindi lamang sa bansa kundi sa buong Southeast Asia ng United Nations Disaster Risk Reduction (UNDRR).

Sinabi ni Binay na sa naturang proklamasyon ay pangungunahan ng lungsod ang inisyatibong ‘Making Cities Resilient 2030’ (MCR2030).

Layunin ng MCR2030 na direktang mamahagi upang makamit ang tagumpay ng Sustainable Development Goal 11 (SDG11) at ng iba pang global frameworks sa pamamagitan ng pagpapalakas ng mga lungsod para mapasama, maging ligtas, resilient at maging sustainable pagdating ng 2030.

“We thank the UNDRR for granting us the honor and privilege of serving as a Resilience Hub of MCR2030 for the next three years,” ani Binay.

Sa mga nakaraang dekada, sinabi ni Binay na nakagawa ang lungsod ng malalaking hakbang sa kanilang paglalakbay patungo sa pagiging pagkamatatag sa tulong ng MCR tools na kanilang ginagamit.

Aniya, 2010 nang nagsimula ang lungsod para sa kampanya ng MCR na naging epektibo ang pagsasagawa ng kanilang polisiya, plano at programa ng disaster risk reduction.

Ang pinakamagandang nagawa ng lungsod sa Disaster Risk Reduction (DRR) ay naibahagi sa ilang international platforms na sinalihan ng iba’t-ibang lungsod sa rehiyon.

Dagdag pa ni Binay na ang pangakong suporta ng Makati sa ibang lungsod na kasanib sa MCR2030 sa darating na tatlong taon ay ang pagpapalawak ng city-to-city sharing initiative sa international platforms, pagpapalago ng Makati DRRM Knowledge portal, at ang pagsasama ng MCR2030 sa Makati DRRM Academy. MARIVIC FERNANDEZ