ANG PANGYAYARI nitong linggo sa pag-anunsiyo ng pagsara ng Estrella-Pantaleon Bridge, ang tulay na nag-uugnay sa Makati at Mandaluyong, ay nagdulot ng kaguluhan at kalituhan sa mga motorista nang ito ay muling buksan matapos ang dalawang araw.
Pumasok tuloy sa aking isipan ang mga simpleng itinuro ng ating mga magulang noong tayo ay sanggol pa lamang. Ito ay ‘yung utos na ‘close-open’ kung saan ibinubukas natin ang ating kamay at isasara muli sabay sa kantang ‘close…open…close…open…’. Sa totoo lang, hindi ko na nata-tandaan kung naintindihan ko kung ano ang ibig sabihin ng ‘close-open’. Ika nga, sunud-sunuran lang ako.
Parang ganito ang nangyari sa Estrella-Pantaleon Bridge nitong linggo. Para tayong naging sunud-sunuran sa iniutos ng DPWH. Nagbukas at nag-sara… ngunit hindi natin maintindihan kung bakit.
Ano ba ng dahilan kung bakit kailangang isara ito at ayusin? Ang nasabing tulay kasi ay bago. Wala pa itong walong taon. Kadalasan ay aabot ng 25 years bago ito i-retrofit o kumpunihin. Ayon sa DPWH, aayusin daw ito at aabot ng dalawa at kalahating taon. Palalawakin daw ito at magiging 4 lanes. Subalit ang dulo ng mga tulay naman ay mananatiling 2 lanes. Eh, paano ito makatutulong para paluwagin ang daloy ng trapiko? Magmimistulang embudo ang magkabilang dulo ng nasabing tulay!
Ang nasabing proyekto ay aabot daw ng P1.23 billion. Malaking halaga ito. Kasama ito sa 12 na mga tulay na ipagagawa at aayusin na tatawid sa Pasig River. Ito ay ang North and South Harbor Bridge, Palanca-Villegas Bridge (Pasig River), Beata-Manalo Bridge (Pasig River), Blumentritt-Antipolo River, Eastbank-Westbank Bridge 1, J.P. Rizal-Lopez Jaena Bridge, J.P. Rizal-Saint Mary Bridge, Marikina-Vista Real Bridge, Mercury-Evangelista Bridge and Eastbank-Westbank Bridge 2 (Manggahan Floodway). Bukod sa Estrella-Pantaleon Bridge, sinimulan na rin ang Bonifacio Global City-Ortigas Center Link Road Project na mag-uugnay sa Lawton Avenue sa Makati at Santa Monica Street sa Pasig City.
Ang pangkalahatang proyekto ay kasama sa P5.27 billion na grant ng bansang China sa atin. Kasama rito ang survey, disenyo, at konstruksiyon ng nasabing mga tulay. Marami tuloy ang nagtatanong, bakit kailangang ayusin agad ang Estrella-Pantaleon Bridge na wala namang sira at ipasasara ng mahigit dalawang taon? Hindi ba mas mainam kung sisimulan muna ang naturang 10 tulay? Kapag nabuksan na ang mga ito, saka lamang isara ang Estrella-Pantaleon Bridge dahil marami nang alternatibong tulay na magagamit ang ating mga motorista. Ganoon lang po kasimple.
Hindi ko makita ang karunungan sa desisyon na ito. Ang nakakainis pa rito ay isasabay pa sa panahon ng Kapaskuhan na alam nating lahat na mas gagrabe ang trapik sa buong Metro Manila.
Kung ipinilit na ipagpatuloy ang pagsasara at pagkukumpuni sa Estrella-Pantaleon Bridge bago ipagawa ang nasabing karagdagang 10 tulay, mag-isip-isip na tayo. Marahil ay may nag-CLOSE-OPEN ng bulsa rito.
Comments are closed.