SA kauna-unahang pagkakataon ay dalawang hospital sa Makati ang walang naitalang bagong kaso ng COVID-19.
Ito ang napag-laman kay Makati City Mayor Abby Binay na nagsabing ang huling pasyente na naipasok sa Ospital Ng Makati (OsMak) ay ang 75-anyos na lalaki noon pang Nobyembre 24 dahil sa critical COVID-19 infection ngunit sa kasamaang palad ay namatay din noong Disyembre 3.
Anang alkalde, sa mga unang araw ng buwan ng Disyembre ay mayroong naitalang 54 pasyente na may sintomas ng COVID-19 ang naipasok sa OsMak ngunit makaraang lumabas ang resulta ng kanilang RT-PCR test ay nagnegatibo ang mga ito sa virus.
Naglabas na rin ng statement si Makati Medical Center (MMC) medical director Dr. Saturnino Javier na nagkumpirma na sa loob ng 20 buwan magmula noong Marso 2020, sa kauna-unahang pagkakataon ay nakapagtala ang kanilang ospital ng zero-COVID patient census.
Sa huling report ng Makati Health Department (MHD) ay nasa klasipikasyon ng low-risk ang lungsod na mayroon na lamang 31 aktibong kaso ng COVID-19, walang naiulat na namatay at mayroon isang naitalang naka-recover sa virus.
Nabatid na ang dahilan sa pagbaba ng bilang ng aktibong kaso ng COVID-19 sa lungsod ay bunsod ng mataas na vaccination rate, availability ng rapid antigen tests at RT-PCR tests, surveillance at early isolation o pag-quarantine sa may mga pasyente ng COVID-19 gayundin ang mahigpit na implementasyon ng minimum public health standards.
Pinaalalahanan din ang pubilko na huwag magpakakampante dahil naandiyan lamang ang COVID-19 gayundin ang pagkakadiskubre ng bagong Omicron variant sa South Africa na kumalat na din sa ilang bansa sa mundo.
Sa report ng MHD, nakapagbigay na ng bakuna ang lokal na pamahalaan sa 439,185 indibidwal o mahigit sa 70 porsiyento ng target population ng lungsod na 624,560. MARIVIC FERNANDEZ