PLANO ng lokal na pamahalaan ng Makati na tutukan ang pagpapalago ng mga information technology o IT firms sa lungsod upang maging Silicon Valley.
Ang Silicon Valley ay isang lugar sa Northern California kung saan matatagpuan ang mga bigating IT corporation.
Kaugnay nito, hinimok ni Makati City Mayor Abby Binay ang mga IT company na magtayo ng negosyo o lumipat ng kanilang operasyon sa lungsod dahil magbibigay ang pamahalaang lokal ng tax break at business registration assistance sa mga startup o mag-uumpisa pa lamang ng kanilang negosyo.
Sa kasalukuyan ay umaabot sa 40 IT buildings sa Makati ang nakarehistro sa ilalim ng Philippine Economic Zone Authority (PEZA).
Ayon kay Binay, malaking tulong ang maibibigay ng Makati Subway sa mga nagnenegosyo sa lungsod dahil mas mapapabilis ang pagbibigay sebisyo gayundin ang pagde-deliver ng mga produkto sa lungsod.
Bukod dito, mas gaganahan ding pumasok ang mga empleyado dahil mas mura ang pamasahe at walang traffic.
Noong unang bahagi ng taon, napili ang lungsod bilang pilot city ng Innovative Cities Initiative para sa Resiliency Innovation Sustainability and Entrepreneurship o RISE Challenge.
Ito ay isang programa kung saan bibigyan ng cash grant at entrepreneurship training ang walong mapipiling IT startups.
Kabilang sa mga napili ang Digest Ph, Empath, FilPass, Fitscovery, Kwik.insure, Pic-A-Talk, Project Fort, at Synthillate na siyang magpi-pitch ng kanilang proyekto sa mga investor na nakatakda nitong Agosto 9. MARIVIC FERNANDEZ