MAKATI, QC, MANILA PASOK SA TOP 10 COLLECTORS

Erick Balane Finance Insider

PUMASOK sa Top 10 ang Makati, Quezon City at Manila sa koleksiyon ng buwis sa hanay ng mga regional office ng Bureau of Internal Revenue (BIR) sa pagtatapos ng 2020 para sa taxable year 2019.

Nanguna sa talaan si Region 8-B South NCR Regional Director Glen Geraldino, sumusunod sina Region 8-A Makati City Regional Director Maridur Rosario; Quezon City Region 7-A Regional Director Albin Galanza; Region 7-B East NCR Regional Director Romulo Aguila Jr.; Region 6 Manila Regional Director Jethro Sabariaga; Regional 4 San Fernando, Pampanga Regional Director Edgar Tolentino; Region 9-B LaQueMar Regional Director Ricardo Espiritu; Region 5 Caloocan Regional Director Gerry Dumayas; Region 13 Cebu City Regional Director Eduardo Pagulayan at Region 19 Davao City Regional Director Joseph Catapia.

Binigyan ng komendasyon nina Finance Secretary Carlos ‘Sonny’ Dominguez at BIR Commissioner Caesar ‘Billy’ Dulay ang ipinamalas na tax collection performance ng top 10 regional directors sa kabila ng epekto ng pandemyang COVID-19 na puminsala sa negosyo, ekonomiya at kabuhayan sa bansa.

Isa pang hamon ang kakaharapin ng BIR ngayong 2021 para sa taxable year 2020 dahil inaasahang daragsa ang mga negosyante sa hanay ng large, medium at small taxpayers na magdedeklara ng pagkalugi, pagsasara at kawalan ng kita dahil sa lockdown sa panahon ng pamiminsala ng COVID-19 na nagresulta ng pagbagsak ng kalakalan.

Si Valenzuela City Revenue District Officer Rufo Ranario naman ang may pinakamataas na rating sa pagkolekta ng buwis sa Metro Manila nang makapagtala ito ng halos 100 percent at makakolekta ng P4,138,919,598.90 na sa buwan pa lamang ng Nobyembre ay nakuha na nito ang tax collection goal para sa buwan ng Disyembre.

Pinapurihan ni Valenzuela City Mayor Rex Gatchalian ang magandang tax collection performance ng BIR Valenzuela City at sinabing indikasyon ito na unti-unti nang nakakaahon at gumaganda ang negosyo at pananalapi sa siyudad.

Nakapagrehistro si  RDO Ranario ng P291,550,000,00, nag-increase ng halos P72,608.35 kumpara sa 2019 para sa 2020 goal o sumobra ng halos P97,838.558.12, katumbas ng 33.56 percent para makuha ang highest points sa overall collections.

Sa statistical collection performance records, lumilitaw na simula Enero hanggang Oktubre, diretsong nakapagtala ng perpektong koleksiyon si RDO Rufo sapul nang umupo bilang chief collector sa Valenzuela City district.

Binigyang-diin ni Commissioner Billy na matapos aprubahan ni Pangulong Duterte kamakailan ang P4.5 trillion national budget, patunay ito na tumugon lamang ang BIR sa sipag at tiyaga sa pagkolekta ng buwis para matugunan ang pangangailangang pananalapi ng sambayanan sa pamamagitan ng mahusay na pagkolekta ng buwis.

Nagresulta ito sa magandang tax collection performance sa Metro Manila regional at district officers nang mahigitan ang iniatang sa kanilang tax collections goal.

Sinabi ni Secretary Sonny na ang paghataw nang husto ng BIR para mahabol ang tinamong shortfall at malagpasan pa sa kabila ng pendemyang dulot ng COVID-19 ay maituturing na isang malaking himala sa kasaysayan ng tax collections para tapatan ang nakakasang 2021 national budget ng  bansa na nagkakahalaga ng P4.5 trillion.

Nasa talaan din ng ‘Top Tax Collection Performers’ sina Metro Manila Revenue District Officers Arnold Galapia ng South QC; Antonio Ilagan ng QC-North; Rodel Buenaobra; Deogracias Villar, Jr.; Bethsheba Bautista; Vicente Gamad, Jr.; newly Pasig City Revenue District Officer Saripuden Bantog at Taytay/Cainta RDO Cynthia Lobo.

Maging ang Large Taxpayers Service sa ilalim ng pamamahala ni BIR Assistant Commissioner Manuel Mapoy ay nakapag-ambag nang malakisa tax collections sa hanay ng mga  ‘big-time taxpayer’ sa bansa.



Para sa komento o opinion, mag-text lamang po sa 09266481092 o mag-email sa [email protected].

Comments are closed.