MAKATI-TAGUIG HANDA NA MAGTRABAHO PARA SA COORDINATED TRANSITION

MALUGOD na tinanggap ng Makati City ang desisyon ng Korte Suprema na ilipat ang hurisdiksiyon ng 10 barangay sa Taguig City.

Inihayag ng pamahalaang lungsod ng Makati na igagalang at susundin nila ang desisyon na ikinatuwa naman ng pamahalaang lokal ng Taguig upang maisayos ang trabaho para sa paglilipat ng hurisdikdiyon.

Nauna rito, inilabas ni Makati Mayor Abby Binay ang pahayag matapos tanggihan ng SC ang omnibus motion ng lungsod na humihiling na payagang maghain ng pangalawang motion for reconsideration.

Bago pa ang pinakahuling resolusyon na inilabas noong Hunyo 2023, tinanggihan na nang SC noong Setyembre 2022 ang unang mosyon ng Makati na humihingi ng reconsideration sa desisyong ginawa noong 2021 ng Korte Suprema na nagpapahayag na bahagi ng teritoryo ng Taguig City ang Fort Bonifacio Military Reservation na kinabibilangan ng parcels 3 at 4, Psu-2031, kasama ang pinagtatalunang 10 barangay, sa pamamagitan ng legal na karapatan at historikal na titulo.

“Hindi pa kami nakakatanggap ng kopya ng nasabing desisyon ngunit nais kong linawin na igagalang ng Makati ang desisyon ng Korte Suprema,” ani Mayor Binay sa isang video statement sa Facebook.

Sa kanilang mga huling pahayag, nais ng dalawang LGUs na magkaroon ng maaayos na paglipat ng administrasyon sa mga nasabing teritoryo.

Sa kanyang video statement, inanunsiyo ni Binay na magko-coordinate siya at ang pamahalaang lungsod ng Makati sa mga kinauukulan at mga ahensya ng pamahalaang pambansa para sa isang mabisang paglipat.

Bilang tugon, naglabas ang Taguig City ng pahayag na nagsasabi na malugod nilang tinatanggap ang pag-unawa ng Makati sa bagay na ito at dapat itong maging daan para sa isang maayos na paglipat, na maiiwasan ang pagkawala ng serbisyo publiko.

Binigyang-diin ng Taguig na “handang maging responsable sa pamamahala” ng 10 barangay “na may parehong dedikasyon at malasakit na ipinamalas nito sa kanyang 28 na barangay.”

Gayunpaman, pinuna ng Taguig ang bahagi ng pahayag ni Binay na wala umanong kakayahan ang lungsod na magbigay ng mga benepisyo sa mga residente ng 10 barangay, subalit ang katotohanan nito ay maaaring makakuha ang mga ito ng programa ng scholarship ng Taguig.

Tinawag ng Taguig na walang pagtitiwala at walang basehan ang mga pahayag ni Binay at walang kinalaman ito sa pinal na desisyon ng SC bagkus ay nagiging sanhi lang ng pagkabalisa at pagduda. MARIVIC FERNANDEZ