SINANDIGAN ni Mar Villahermosa ang matikas na opensa ng Makati FSD sa krusyal na sandali tungo sa come-from-behind 92-86 win laban sa Laguna Krah at bigyan ng buhay ang kampanya sa Pool B elimination ng 2021 Chooks-to-Go MPBL Invitational nitong Biyernes sa SM Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Hataw si Villahermosa sa natipang 33 puntos, tampok ang perfect 5-of-5 sa three-point tungo sa pahirapang panalo at makaungos sa 2-1 bentahe sa five-team group. Laglag na ang Laguna sa playoff race.
Nangunguna sa Pool B ang Basilan (2-0) matapos magwagi sa Marikina, 98-83, nitong Huwebes, habang kasosyo ng Makati ang Bicol sa 2-1, ngunit tangan ng Bicol ang tiebreaker, habang nakabuntot ang Marikina (1-2).
“After we lost, maganda ‘yung intensity ng players namin,” pahayag ni Blazers head coach Jocas Castillo, patungkol sa kabiguan sa Bicol nitong Miyerkoles, 86-71. “We were able to build our character and we were able to focus more on the game.”
“Kahapon ay nag-usap kami ni coach at sabi niya, kailangan kong mag-step up talaga,” pahayag ni Villahermosa. “Mindset namin kanina, gusto lang naming manalo.”
Naghahabol sa 77-78 sa kalagitnaan ng final period, humarurot ang Makati sa 8-2 run, tampok ang jumper ni Lord Casajeros para maagaw ang bentahe sa 85-80 tungo sa huling 2:47 ng laro.
Nakipagpalitan ng basket sina Jonathan Rivera at AJ Coronel para sa Heroes, subalit may ganti sina Jan Formento at Villahermosa para selyuhan ang panalo ng Makati.
“As long as we work hard especially sa defense, meron kaming paglalagyan talaga,” sambit ni Castilo. “Nagkaroon kami ng kaunting adjustment sa defensive scheme namin ni fourth quarter kanina. Kung ma-implement namin ‘yun, maganda ang tatakbuhin namin.”
Nanguna sa Laguna si dating Perpetual Help standout Kim Aurin na may 22 puntos.
Target ng Laguna na tapusin ang kampanya sa panalo laban sa Basilan sa Linggo, alas-10:30 ng umaga. Masusubok naman ng Basilan ang Makati sa Lunes, alas-7:30 ng gabi.
Napigilan ng Bulacan ang maagang pamamaalam nang gapiin ang Rizal-Emkai Xentro Mall, 87-79; lumapit naman sa quarterfinals sa Pool D ang Imus-Buracai de Laiya nang pabagsakin ang Mindoro-EOG Burlington, 77-70. Nanaig naman ang Bacolod sa Caloocan, 85-65.
Iskor:
Makati (92) – Villahermosa 33, Casajeros 18, Formento 11, Arpia 7, Alonzo 7, Castellano 7, Lugo 5, Alcoriza 4, Sombero 0.
Laguna (86) – Aurin 22, Fajarito 20, Saguiguit 14, Coronel 8, Anonuevo 6, Rivera 5, Fuentes 4, Dela Virgen 3, Charcos 2, Serios 2, Diego 0, Guiab 0.
QS: 20-26, 46-49, 68-70, 92-86