MALALIM ang hugot ng hidwaan sa pagitan ng pamahalaan ng Makati at Taguig.
Dalawang mabigat na pamilya politikal ang namamayani sa dalawang lungsod.
Kung ating ihahambing ang labanan na ito, para itong sikat na serye noon sa telebisyon na pinamagatang “Game of Thrones”. Ang isa ay ang kapangyarihan ng mga Binay ng Makati at sa kabilang ibayo naman ay ang kaharian ng mga Cayetano.
Matatandaan na ang unang salpukan ng dalawang pamilya ay nag-ugat noong 2013 nang magsalita ang pamunuan ng Makati City sa ilalim ni dating Mayor Junjun Binay at inaangkin ang Bonifacio Global City (BGC), na tumatapat bilang sentro ng komersyo tulad ng Makati kasama ang mga barangay na nakapaligid dito, ay nasa ilalim ng hurisdiksyon ng Makati City at hindi ng Taguig City.
Pinabulaanan ito ng pamunuan ng Taguig City kung saan ang mayor nila noon ay si Lani na asawa ni Senador Allan Peter Cayetano
Nagpalitan ng maiinit na salita ang dalawang lungsod at minsan ay umabot sa pisikalan mula sa mga tauhan ng magkabilang panig.
Dahil dito, naglabas ng kautusan ang Court of Appeals na tumigil ang dalawang panig sa pagbibigay ng mga pahayag o komento na may kaugnayan sa nasabing isyu habang nililitis ang kaso.
Subalit binalikan ng mga Cayetano ang mga Binay nang magpatawag noon si Sen. Allan Peter Cayetano ng imbestigasyon sa umano’y malaking anomalya sa konstruksiyon ng Makati City Hall at iba pang mga proyekto doon. May hawak si Cayetano ng matitibay na ebidensiya ng posibleng korupsiyon sa paggawa ng nasabing gusali.
Matatandaan na noong mga panahon na iyon ay may ambisyon ang kanilang ama na si Jejomar Binay na tumakbo bilang pangulo ng Pilipinas. Kasalukuyang bise presidente siya noong mga panahon na iyon.
Ang sunod-sunod na paglabas ni Cayetano ng mga ebidensiya laban sa mga Binay na nadawit sila sa malaking anomalya sa mga kontrata sa Makati ay nagresulta sa pagkatalo ni dating VP Binay sa pagkapangulo. Dagdag pa rito ay ipinagpatuloy ng Office of the Ombudsman ang kaso laban kay dating Mayor Junjun Binay sa mga bintang na korupsiyon sa ilalim ng kanyang pamumuno.
Pagkatapos ng pag-aaral ng mga ebidensiya mula sa imbestigasyon sa Senado, naglabas ng kautusan ng diskwalipikasyon kay Junjun Binay from holding public office dulot ng kasong korupsiyon sa konstruksyon ng Makati Science High School. Noong Enero 2020 ay pinanigan ng Court of Appeals ang sentensiya ng Ombudsman laban kay Binay.
Hindi biro ang pinagtatalunan ng Makati at Taguig. Mahigit 729.15 hectares ang sinasakop ng BGC at mga barangay na nakapaligid dito. Bukod sa malaking buwis na ibinibigay sa nasasakupan ng kaso, malaking halaga rin ang mga daang libong botante na nakatira sa nasabing mga barangay na kamakailan ay nasa ilalim ng Makati City. Malaki ang kawalan ng boto nito para sa pamilya Binay.
Pinalakas pa ang posisyon ng Taguig City nang maglabas ang Korte Suprema ng desisyon na kinakatigan ang Taguig bilang tunay na may-ari ng BGC at ang sampung barangay na nakapaligid dito.
Sumiklab muli ang iringan ng Taguig at Makati nang magkaroon ng gusot sa pamamahala ng 14 na pampublikong mga eskwelahan sa Bgy Pembo, Comembo, Cembo, South Cembo, West Rembo, East Rembo, at Pitogo. Ang mga nasabing paaralan ay nasa ilalim ng Makati City na ngayon ay mapupunta na sa Taguig. Kaya naman pumasok ang DepEd upang magkaroon ng maayos na pag-turn over nito sa Taguig.
But wait. There’s more!
Dahil sa desisyon ng Korte Suprema, naglabas na rin ang Comelec na ang nasabing sampung barangay na dating nasa ilalim ng hurisdiksyon ng Makati ay mapapasailalim na rin sa Taguig City sa darating na Barangay Election at Sangguniang Kabataan Elections. Naku. Naloko na!
Hindi naman kaila sa atin na malakas na impluwensiyang politikal ang barangay at SK election.
May minamanok ang mga politiko sa nasabing halalan. Ano na ang mangyayari sa mga bata ng mga
Binay na inalagaan nila ng ilang dekada sa nasabing mga barangay na ngayon ay nasa ilalim ng ng pamahalaan ng Taguig?
13 barangays ang nasa ilalim ng 2nd district ng Makati. Sampu dito ay mapupunta na sa Taguig. May mahigit na 248, 503 ang botante ng nasabing distrito. Ang kanilang congressman ay si Rep. Luis Jose Campos Jr. Ang kasalukuyang mayor ng Makati na si Abigail Binay ang dati nilang kongresista. Malaking kawalan ito para sa pamilya Binay.
Nakasisiguro ako na madaling ligawan ng mga Cayetano ang mga lider at botante ng ‘Embo area’.Wala nang mapupuntahan ang mga lider ng nasabing mga barangay upang makahanap ng tulong at kalinga. Alam naman natin na talagang hawak ng Cayetano ang Taguig. Subalit maaaring pagkakataon din ng pamilya Tinga, na dating humawak ng Taguig na makuha ang suporta ng nasabing mga barangay.
Haynaku. Marami pang mangyayaring isyung politikal dulot ng kaganapan na ito. Abangan!