ISUSULONG sa darating na 19th Congress ang isang stimulus measure na makatutulong sa muling pagbangon ng bansa mula sa pandemya sa ilalim ng bagong administrasyon ni presumptive President Ferdinand ‘Bongbong‘ Marcos, Jr.
Ayon kay House Majority Leader Martin Romualdez, ang stimulus bill ay tatawaging Bayan Bangon Muli o BBM bill na initials naman ni Marcos.
Ang BBM bill ay kahalintulad lamang ng naunang Bayanihan Laws maliban sa pinalitan lang ang pangalan.
Dagdag ni Romualdez, ang BBM bill ay makatutulong sa papasok na administrasyon na gamitin ang natitirang resources para pasiglahin at palakasin ang ekonomiya ng bansa.
“The President’s initials are BBM. We’ve been approached by some folks, ‘Uy gawin mo na lang ano, imbes na Bayanihan…gawin mong BBM: Bayan Bangon Muli na bill, stimulus package that will allow the incoming president to harness the resources available to him during this closing period of 2022 and address the measures that are needed for the pandemic,” ani Romualdez.
Paliwanag naman ni House Ways and Means Committee Chairman Joey Salceda, ang naturang panukala ay magkakaloob ng special powers sa susunod na Pangulo para bigyan ng ‘flexibility’ sa paggamit ng 2022 budget, partikular sa pagtugon sa pandemya. CONDE BATAC