‘MAKE OR BREAK’ SA TEAM PH VS SOUTH KOREA

TEAM PH

JAKARTA – Matapos ang limang araw na pahinga ay magbabalik sa aksiyon ang Filipinas, umaasang nagawa nito ang lahat ng kina-kaila­ngang mga paghahanda para sa pinakaaaba­ngang showdown sa South Korea sa 18th Asian Games men’s basketball competition ngayong araw sa GBK Basketball Hall dito.

Magsasagupa ang Pinoy cagers at Koreans sa quarterfinals kung asan ang magwawagi ay uusad sa medal round habang ang matatalo ay babagsak sa consolation round.

Nakatakda ang sagupaan sa alas-10 ng umaga (alas-11 ng umaga sa Manila) kung saan bubuhayin ng dalawang koponan ang ‘rivalry’ na nagsimula sa mga unang taon ng Asian basketball.

Sa kasawiang-palad, ang Filipinas ang talunan sa maraming pagkakataon sa nakalipas na apat na dekada.

Isa sa mga pambihirang pagkakataon na namayani ang Team PH laban sa South Korea ay noong 2013 sa FIBA Asia Championship sa MOA Arena sa panalo na nagbigay sa Nationals ng unang biyahe sa World Championship sa loob ng 40 taon.

Magmula noon ay lagi na uling talunan ang Nationals, kabilang ang quarterfinal round loss sa Koreans sa 2014 Incheon Asiad.

Sisikapin ni coach Yeng Guiao at ng kanyang Jordan Clarkson-led squad na maputol ang losing streak upang manatili sa medal race.

Malaking balakid sa kampanya ng Team PH na makapasok sa medal round ang malakas na South Korean team na lalo pang pinalakas ng isang pamilyar na  player, sa katauhan ni 6-foot-8 former PBA import Ricardo Ratliffe.

Ang dating Missouri U stalwart ay may average na 23.3 points at 13 rebounds kada laro, at nag-aalab sa three-point area na may high 47-percent clip.

“The Koreans are more than just Ratliffe and their outside shooting,” wika ni coach Guiao.

“They don’t have the length of China but they’re definitely quicker, they have more movements and they have better shooters.”

“Korea is a team in perpetual motion. Nobody watches the ball. Four guys always move, making the coverage harder. You have to look at the ball while at the same time you have to stay connected with the shooters.”

Ang Team PH ay may pangkalahatang ideya sa Korea. Ang hamon ay kung makapaglalatag sila ng tamang game plan para sa mapanganib na Koreans.

“Concept-wise, we understand what they’re doing. Still we want to stay in front of them and challenge them when they take a shot,” pahayag ni Ryan Gregorio, isang three-time PBA champion coach na nagsisilbing lead scout ng Team PH dito.

Tulad ng ipinakita nila sa kanilang group games laban sa Mongolia, Indonesia at Thailand dito at mula sa kanilang mga laro sa FIBA World Cup qualifiers, ang lahat ng Korean players ay maa­aring pumutok anumang oras.

Si Ratliffe ay nagpasabog ng 30 points at 19 rebounds sa 104-65 paglampaso sa Indonesia, pagkatapos ay sinamahan nina Heo Ilyoung, Jeon Junbeom, Lee Jeunghyon at ng dalawang iba pa ang kanilang naturalized player sa pagtipon ng double-digit outputs sa 108-73 pagdispatsa sa Mongolia.

Umiskor sina Ratliffe, Jeon at Kang Sangjun ng 21, 20 at 20, ayon sa pagkakasunod-sunod, sa kanilang 117-77 panalo laban sa Thailand.

Nagpakawala rin ang Koreans ng 12-of-30 three-pointers kontra Indons, 15-of-34 laban sa Mongolians at 15-of-32 kontra Thais.

Subalit ang Koreans ay hindi ‘unbeatable’.

Naniniwala si Guiao na walang Korean ang makapipigil kay Clarkson sa single defensive coverage.

“We are expecting him to play even better than in the China game. (We expect him to be) more efficient. I’m not saying he will score more than 28 points but I think the more important thing is he is going to be more efficient, increase his percentages, and create situations for his teammates, which means probably more assists,” ani Guiao.

Kung makapaglalaro ang mga Pinoy tulad ng ginawa nila sa 80-82 pagkatalo sa China ay naniniwala si Guiao na may tsansa sila laban sa Korea.