CAVITE – Kalaboso ang 25-anyos na make-up artist at dalawang kasabwat nitö makaraang masakote ng mga awtoridad sa isinagawang anti-drug operation sa bahagi ng Barangay Anabu 1-D, Imus City, kamakalawa ng gabi.
Kinasuhan sa Provincial Prosecutors Office ang mga suspek na sina Mark Anthony “Makmak” Gawaran y Barbosa, make-up artist, ng Brgy. Zapote 4, Bacoor City; Jovan Villalon y Manuel, 22, canteen crew at nakatira sa Brgy. Zapote 1; at si Ronnielyn Aquininog y Llosa, 20, cook, ng Barangay Ligas 1, Bacoor City.
Sa ulat ni PO2 Mark Joseph Jader na naisumite sa Camp Pantaleon Garcia, lumilitaw na dumayo pa ang mga suspek sa nasabing barangay para sa kanilang modus operandi na drug trade.
Natunugan naman ng ilang opisyal ng barangay ang pagpapakalat ng droga ng mga suspek kaya itinimbre sa himpilan ng pulisya kung saan kaagad na ikinasa ang anti-drug operation bandang alas-5 ng gabi.
Lingid sa kaalaman ng mga suspek ay nagpanggap na buyer ang isa sa mga pulis ng Drug Enforcement Unit kaya hindi na nakapalag at kaagad na nasakote ang mga ito.
Narekober sa mga suspek ang 7 plastic sachets na shabu at P500 marked money habang isinailalim na sa chemical analysis ang nasamsam na droga. MHAR BASCO
Comments are closed.