MAKIISA SA EARTH DAY 2019

Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle

NANANAWAGAN sa mga mamamayan si Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle na makiisa sa Earth Day 2019, upang makapagpahinga naman ang kalikasan at maiwasan ang tuluyang pagkasira nito.

Nabatid na ang Earth Hour ay nakatakdang idaos mula alas-8:30 ng gabi hanggang  alas-9:30 ng gabi sa Marso 30.

Sa loob ng naturang isang oras, hinihikayat ang publiko na patayin muna ang mga dekor­yente nilang kasangkapan at gamit upang makapagpahinga ang kalikasan.

Ayon kay Tagle, sa pamamagitan nang sabayang pagpapatay ng mga appliances na de koryente sa loob ng isang oras ay tatagal ang buhay ng kalikasan, na para rin naman sa kapakanan ng mga mamamayan.

“Mga Kapanalig, ito po si Cardinal Chito Tagle ng Archdiocese of Manila, inaanyayahan ko po kayo na makilahok sa Earth Hour 2019. Ito po ay sa March 30 mula alas 8:30 ng gabi, one hour hanggang 9:30 ng gabi. Anong gagawin natin nu’n? Medyo patayin muna natin ang mga appliances at mga gamit na may koryente para pagpahingahin muna natin ang kalikasan. Ang atin pong kalikasan na makapagpapahinga ay magtatagal ang buhay para naman ang ating buhay ay sumagana. Sige po simple lang ito, Earth Hour March 30, 8:30 hanggang 9:30 ng gabi,” panawagan ng Cardinal, sa church-run Radio Veritas.

Samantala, sa panig naman ni San Fernando, La Union Bishop Daniel Presto, hinikayat nito ang mga mananampalataya na isabuhay ang adbokasiya at pag-uugaling nais ituro sa mga tao ng programang Earth Hour, ang pinakamalaking grassroot movement para sa kalikasan sa mundo.

Ayon kay Presto, sa pamamagitan ng maliliit na hakbang ay nababago ang pag-uugali ng mga tao na waldas sa paggamit ng koryente at iba pang likas na yaman ng mundo.

Ipinaliwanag pa ng Obispo na ang Earth Hour ay gawaing pakikiisa sa kalikasan at sa simpleng pagpapatay ng mga kagamitang labis na kumokonsumo ng kor­yente ay nakatutulong ang mamamayan sa pagpapanatili ng enerhiya ng mundo.

“Sa little practice na ito ng Earth Hour ay mag-iiba ng attitude sa atin sa mga maliliit na bagay na puwede na­ting ma-practice sa ating tahanan, office, school, kung saan ay puwede na­ting mabawasan ang konsumo ng koryente,” ayon kay Presto.

Nananawagan din ang Obispo sa mamamayan na magtipid hindi lamang sa koryente kundi maging sa iba pang likas na yaman ng mundo tulad ng tubig at pagkain.

Umaasa naman si Presto na hindi lamang tuwing Earth Hour gagawin ang pagtitipid at maayos na pangangasiwa sa yaman ng kalikasan at sa halip ay isasabuhay ito araw-araw.

Ang Earth Hour ay inisyatibo ng grupong World Wide Fund for Nature, na isang international non-government organization na nagsusulong ng pangangalaga sa kalikasan.

Taong 2007 nang u­nang isagawa ang prog­rama sa Sydney Australia, at 2008 naman nang ilunsad ito sa Filipinas.

Bilang pakikiisa ng Simbahang Katolika sa earth hour, live na mapapakinggan sa Radio Veritas 846 mula 8:00 ng gabi hanggang 10:00 ng gabi ang “Banal na Oras para sa Kalikasan” o sama-samang pagdarasal para sa kalikasan sa Our Lady of Remedies o Malate church gayundin ang “switch-off” activities sa Globe Circuit Events Ground Makati. ANA ROSARIO HERNANDEZ

Comments are closed.