KASADO na ang Nationwide Simultaneous Earthquake Drill (NSED) para sa second quarter sa Biyernes, June 28, alas-2 ng hapon.
Ayon sa Office of Civil Defense (OCD), ang NSED ay idinadaos bilang bahagi ng paghahanda para sa tinatawag na “The Big One”, isang posibleng magnitude 7.2 earthquake na maaaring ma-trigger ng paggalaw sa West Valley Fault.
Sa panahon ng drill, ang publiko ay inaasahang makikiisa sa pagsasagawa ng Duck, Cover, and Hold postures.
Katuwang ng OCD sa paghahanda para sa NSED ang iba pang mga ahensiya ng pamahalaan at local government units.
Masusubok sa NSED ngayong second quarter ang Harmonized National Contingency Plan, kung saan magtatayo ng alternate emergency operation centers sa mga strategic area.
Huwag nating balewalain ang NSED. Mahalaga ang ating kooperasyon. Hindi biro ang ibinubuhos ditong panahon ng mga kinauukulan para sa ating kaligtasan.
Mas mabuti ang maging handa bago ang kalamidad dahil maihahanda natin ang ating mga kakailanganin at alam natin ang ating gagawin.
Walang pinipiling panahon at oras ang lindol kaya kailangan nating laging maging handa para walang pagsisihan sa huli.