MAKUHA KAYA NG LACSON-SOTTO TANDEM ANG ENDORSO NG NPC?

SA PINAKAHULING resulta ng presidential at vice presidential survey, malaki pa rin ang kalamangan ng tandem nina BBM at Sara Duterte.

Namamayagpag si BBM na may mahigit kumulang na 50%. Ang sumunod sa kanya ay si VP Leni Robredo na wala pang 20%. Sa vice presidential survey naman, si Davao City Mayor Inday Sara Duterte ay halos pumapalo sa mahigit 40%. Kasunod niya si Senate President Tito Sotto na may mahigit 30%.

Ang mga ibang kandidato sa pagka-presidente at bise presidente ay medyo milya-milya na ang layo kina BBM at Sara. Sa aking palagay ay malabong tumaas pa sila sa survey sa loob ng tatlong buwan ng opisyal na kampanya. Ganoon pa man, maaaring mali ako.

Ang mga dating kilalang malalaking partido politikal noong magsimula ang halalan sa ilalim ng 1987 Constitution, ay tila malaki ang nabawas sa kanilang impluwensiya sa kasalukuyang eleksiyon.

Ang political parties tulad ng Liberal Party, Nacionalista Party, PDP-Laban, LDP, LAKAS-NUCD, PRP, Aksyon Demokratiko at ang Nationalist People’s Coalition o NPC ay tila hindi na masyadong inaasahan ang impluwensiya na maaaring makatulong sa pagluklok ng isang pangulo o pangalawang pangulo.

Dati-rati ay nag-aalaga ng mga kani-kanilang manok ang mga partido politikal para sa susunod na mamumuno ng ating bansa.

Pinalalakas nila ang mga miyembro ng kanilang partido sa buong bansa upang magkaroon ng malakas na political network na tutulak sa kanilang mga tinatawag na standard bearers.

Subalit sa halalan ngayong taon, tila nawala na ang ganitong kaugalian. Ang nangunguna sa survey sa pag-kapresidente na si BBM ay lumipat sa isang bagong partido politikal, ang Partido Federal ng Pilipinas o PFP kung saan si BBM ang kanilang chairman.

Samantalang si VP Leni naman na pumapangalawa sa survey ay tumatakbo bilang independent. Si Mayor Isko Moreno ay sumapi sa kakabuhay lamang na partido ng yumaong Sen. Raul Roco, ang Aksyon Demokratiko. Sa Sen. Manny Pacquiao, na siyang dating pangulo ng majority political party ng administrasyon ni Pangulong Duterte na PDP-LABAN, ay nagparehistro sa ilalim ng isang political party sa Cebu na PROMDI. Si Sen Ping Lacson naman ay sumapi noong nakaraang taon lamang sa Partido para sa Demokratikong Reporma o PDR ni dating Gen. Renato de Villa na itinaguyod noong 1998. Si De Villa ay dating Sec. of Defense at malapit na tauhan ni Pangulong Fidel Ramos (FVR). Hindi kasi nakuha ni De Villa ang basbas ng LAKAS-NUCD kung saan miyembro si FVR kaya itinaguyod niya ang PDR. Nahehelo na ba kayo?

Kaya naman sa gawi ng tambalan nina Lacson at Sotto, ano ang posibilidad na iendorso ng NPC ang nasabing tandem? Si Sen. Tito Sotto ang tumatayong chairman ng NPC. Natatandaan ko pa nang itaguyod ang NPC ni yumaong Amb. Eduardo “Danding” Cojuangco.

Tumakbo kasi siya sa pag-kapangulo noong 1992. Ang partidong ito ay pinatakbo niyang parang isang propesyonal na organisasyon.

Nagsimula siya sa survey bilang kulelat ilang buwan bago mag-umpisa ang opisyal na campaign period, subalit pumuwesto siya bilang ikatlo. Halos dikit ang mga numero nina FVR at Sen. Miriam Santiago at Cojuangco. Pagkatapos ng 1992 elections, ang NPC ay naging isang matatag na political party. Naging malaki ang impluwensiya ng NPC sa mga sumunod na administrasyon nina Estrada, Arroyo at Aquino.

Sa kasalukuyan, wala pang pormal na iniendorso ang NPC bagaman ang kanilang chairman ay tumatakbo sa pagka-bisepresidente. Subalit ang miyembro nila na sina dating QC Mayor Herbert Bautista at Sen. Sherwin Gatchalian, Rep. Loren Legarda, Jinggoy Estrada ay kasapi sa tambalan nina BBM at Sara. Si Sorsogon Gov. Chiz Escudero naman ay nais bumalik sa Senado sa pamamagitan ng pagsapi kina Leni Robredo. Si dating Agriculture Sec. Manny Piñol na lamang ang hindi bumitaw kay Sen. Sotto.

Heto pa. Itutulak kaya ng NPC sa pagka-pangulo si Sen. Lacson? Noong magsimulang magsagawa ng presidential survey, hindi na umangat ang bilang ni Lacson. Paano mahihikayat ni Sen. Sotto ang mga miyembro ng NPC na suportahan ang kanyang presidente?

Magulo at nakalilito. Teka makahigop muna ng kape.