TILA ang lahat ay abala sa paghahanda para sa Pasko. Ang marami ay namimili ng mga panregalo at nagpaplano ng mga aktibidad na maaaring gawin ng buong pamilya o kasama ang mga kaibigan.
Para sa kolum ko ngayon at sa Miyerkoles, ako magbabahagi ng ilang mga mungkahi. Simulan natin sa isang paalala na ang Disyembre ay Buwan ng Bolunterismo dito sa bansa, ayon sa Presidential Proclamation No. 55. Tayong lahat ay inaanyayahang mag-alay ng ating panahon at lakas sa kabila ng ating limitadong oras. Humanap tayo ng mga kaganapan o aktibidad sa ating komunidad na maaari nating suportahan, o di kaya naman ay pwede rin tayong magsimula ng sarili nating volunteer activity. Isang magandang simula ay ang pagtukoy sa ating pansariling mga interes at kalakasan. Hayaan nating gabayan tayo ng mga ito patungo sa mga susunod nating hakbang.
Kung ikaw naman ay naghahanap ng kaganapan o aktibidad para sa iyong pamilya at mga kaibigan, pwedeng puntahan ang lighting event at konsiyerto sa Cultural Center of the Philippines (CCP) Front Lawn sa ika-15 ng Disyembre. Pinamagatang “Binurda”, ito ay bukas at libre sa publiko. Taon-taon nang ginagawa ang light and sound show na ito maliban na lamang noong panahon ng lockdown.
Tatlong araw bago iyan ay ang live Christmas Carol Concert ng Philippine Madrigal Singers sa ika-12 ng Disyembre sa City Hall Grounds, Nueva Ecija. Pinamagatan itong “Himig ng Pasko” at maaari pa ring mapakinggan at mapanood kahit hindi ka taga-Nueva Ecija. Buksan lamang ang Facebook page ng CCP sa ganap na alas-6 ng gabi sa araw na ito upang matunghayan ang livestream ng nasabing palabas.
(Itutuloy…)