(Pagpapatuloy…)
Isang konsiyerto, pinamagatang “Tanawin: A Thanksgiving and Listening Party”, ang gaganapin sa ika-14 ng Disyembre mula alas-8 n.g. sa 123 Block sa Mandala Park, Mandaluyong City. Kabilang sa mga magtatanghal ay mga sikat na babaeng OPM singers na sina Kitchie Nadal, Barbie Almalbis, Aia de Leon, Acel Bisa, Hannah Romawac, at Lougee Basabas.
Isang espesyal na selebrasyon naman para sa mga residente ng Quezon City ang “Pasko na Naman sa Diliman”. Isa itong libreng musical concert na gaganapin sa ika-15 ng Disyembre sa ganap na alas-6 n.g. Magtatangahal ang University of the Philippines Symphony Orchestra sa konsiyertong ito sa open-air na UP Diliman Amphitheater.
Sa susunod na araw, ika-16 ng Disyembre sa ganap na 6:30 n.g., ang UP Jazz Ensemble naman ang maglulunsad ng konsiyerto sa UP Theater Driveway sa UP Diliman. “Jazz Christmas F2F” ang pamagat nito at itinatampok sina Lynn Consuelo Sherman-Samson, Iskollas, at ang UP College of Music Staff Shakers.
Para naman sa mga naghahanap ng maipang-reregalo sa mga mahal sa buhay, maaaring makabili ng local handwoven products kagaya ng blusa, bestida, palda, at iba pa mula sa Itneg Handwoven Natural Traditional Treasure na matatagpuan sa Brgy. Namarabar, Penarrubia, Abra. Gumagamit sila ng natural dye at purong cotton upang makagawa ng mga bukod-tanging kasuotan na may burdang tradisyunal na disenyo. Kung nais umorder, maaaring tumawag o mag-text kay Luis Agaid sa numerong ito 09977050250.
Ang likhang biswal ng pambansang alagad ng sining na si Larry Alcala, pinamagatang Paskong Pinoy, ay siyang tampok sa mga Christmas cards na inilabas ng UNICEF para sa taong ito. Ang mga magbibigay ng donasyon sa nasabing ahensiya ay makakatanggap ng mga cards na ito. Bumisita lamang sa https://donate.unicef.ph/campaign/christmascards upang mag-donate.