MAKUPAD NA SERBISYO NG BI SA NAIA KINONDENA

MAKUPAD na serbisyo ng Bureau of Immigration (BI ang pangunahing reklamo ng mga pasahero sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA), na siyang dahilan sa mahabang pila sa mga immigration counter.

Ito ang mga reaksiyon ng mga papaalis na pasahero sa NAIA na kung minsan ang iba sa kanila naiwan o na-offload bunsod sa inutil na serbisyo ng mga taga BI.

Upang makaiwas sa away o hindi mapag-initan ay kadalasan ipinadadaan ang kanilang mga reklamo o grievances sa social media post katulad nang naganap nitong nakalipas na Pebrero 23 na sobrang haba ng pila sa immigration counter ng Terminal 3.

Tatlong immigration counter lang ang binuksan kung kaya’t nagkabuhol-buhol ang daang daan pasahero habang nakapila sa immigration counter.

Bukod sa iba pang mga reklamo na patungkol sa mga boarding gate na kulang sa koordinasyon sa pagitan ng mga ground crew at ang mga nakatalaga sa gate at ilan sa mga ito nakatengga sa boarding gate, waiting area at kung minsan naiiwan pa ang ilang mga pasahero.

Agad naman pinabulaanan ng mga taga-immigration na naka-assign sa BI-NAIA T3 ang mga reklamo dahil mayroon silang 21 immigration officers na naka-duty sa nasabing araw para magproseso ng 15 flights na tinatayang may 3,900 pasahero.

Anang BI, nakatakda sila magkaroon ng karagdagang electronic gates bilang solusyon para mabawasan ang processing time ang tinatawag na e-travel portal para sa departing passengers. FROILAN MORALLOS