Mala La Nina na kondisyon dahil sa madalas na pag-uulan ang patuloy na mararanasan hanggang Marso ayon sa Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).
Bukod dito ay mas maraming bagyo ang aasahan ngayong unang quarter ng 2025, ayon kay Anna Solis, Head ng Climate Monitoring and Prediction Section ng PAGASA
“Ang sinasabi po namin kahit hindi siya full blown La Nina, maaaring mangyari din po ang pagkakaroon ng bagyo ngayong January, February, March,” sabi ni Solis.
“Usually po kasi pag January, February, March, yung first quarter po ng ating taon, usually po ay slim chance lang ang pagkakaroon ng bagyo. Ngayon po kung mayroon tayong ganitong kondisyon, La Nina condition, ay mas mataas po ang chances na magkaroon po ng development ng bagyo,”dagdag pa nito.
Sa kabila ng mga pag-ulang nararanasan sa malaking bahagi ng bansa sa mga nakalipas na araw, hindi pa ito aniya maituturing na La Nina kung kailan mas marami kaysa sa karaniwan ang mga pag- ulan.
Ayon kay Solis, hindi pa naman sa ngayon naaabot ang threshold o pamantayan para masabing ganap na La Nina na ang umiiral sa panahon. Subalit matatawag itong “La Nina “like dahil mala- La Nina aniya ang nararanasan ngayon sa gitna ng mas mataas na posibilidad ng maraming pag ulan. Magpapatuloy ito hanggang sa Marso.
“Possible po na mag issue ang PAGASA ng hindi man po advisory kundi La Nina condition dahil kinukumpleto po natin ang mga datos. Anytime po this January ay baka po ilabas po ang ating La Nina condition kung saan magkaroon ng posibilidad po na ma-reach yung tinatawag nating La Nina condition,” sabi ni Solis.
Ma. Luisa Macabuhay-Garcia