CAMP AGUINALDO-INAMIN ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na pinaghahandaan na nila ang paglalatag ng seguridad sa mga lansangan sakaling ipag-utos ni Pangulong Rodrigo Duterte ang deployment ng mga sundalo.
Gayunman, paglilinaw ni AFP Spokesman, BGen. Edgard Arevalo na wala pa namang deployment ng mga sundalo sa kalsada at ang tanging ginagawa ay augmentation force sa mga pulis na pangunahing nakaposte sa mga checkpoint.
Ginawa ni Arevalo ang paliwanag makaraang mag-leak ang isang memo sa Philippine Air Force (PAF) na nag-uutos na maghanda para sa deployment sa lahat ng lansangan.
Batay sa memorandum na galing kay PAF Chief, MGen. Allan Paredes na naka-address sa lahat ng PAF commanders, pinaghahanda nito ang lahat ng kanilang tauhan para sa possible deployment para sa “strict implementation” ng pinaigting na enhanced community quarantine at ang AFP ang mangunguna sa pagmamando sa mga checkpoint sa lansangan.
Ang hakbang umano ay bilang pagtugon sa kautusan ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kaniyang televised public address noong Huwebes ng gabi na dapat ilatag ang mas may pangil na pagbabantay sa mga lansangan.
Ikinagalit ng Pangulo ang patuloy na pagsuway ng publiko sa konsepto ng social distancing habang marami pa rin ang lumalabas kasabay naman ng patuloy na pagtaas ng kaso ng coronavirus disease (COVID-19).
Iginiit naman ni Arevalo na ang memo ay internal sa mga tauhan ng PAF bilang paghahanda sakaling ibaba ng Pangulo ang kautusan.
“The context is, sinabi ng Pangulo na mag-prepare ang AFP for deployment with the PNP in case people will continue to defy the protocols and disobey the rules,” ayon kay Arevalo.
Hindi rin aniya dapat matakot ang publiko sa magiging hakbang na may pangil na pagpapatupad sa ECQ.
Samantala, sinabi ni PAF Spokesman Maj. Aris Galang na isa lamang preparasyon ang internal memo na kanilang susundin sakaling ipag-utos nan g Punong Ehekutibo ang kanilang deployment.
Ang pinagbasehan lamang aniya ng memo ay ang pahayag ng Pangulong Duterte na dapat maging disiplinado ang publiko at kung ayaw sumunod ay magte-take over ang militar at pulis. PILIPINO MIRROR REPORTORIAL TEAM
Comments are closed.