MALA-PELIKULANG KASALAN SA MARIKINA (Pinangasiwaan ni Mayor Marcy)

marikina-kasalan

NATUPAD din ang pangarap ng isang nob­yo na pakasalan ang kaniyang nobya sa isang mala-pelikulang tagpo na kasalan sa Marikina City na pinangasiwaan ni Mayor Macelino “Marcy” Teodoro.

“Kayo ang magandang halimbawa ng pag-ibig na meron sa isa’t isa na kahit kamatayan ay hindi kayo mapapaghiwalay,” ang mensaheng ibinigay ni Teodoro sa dalawa.

Ayon kay Darwin Ballerdo, 47-taong gulang at may colon cancer, matagal na niyang pinangarap na pakasalan ang kaniyang live-in partner na si Haydee Duron, 50-taong gulang, bago man lamang siya malagutan ng hi­ninga.

Isa pa, 10 taon na silang magkasama at nalaman ni Darwin na may colon cancer siya dalawang taon na ang nakalilipas, kaya siya ngayon ay nananatili na lamang nakahiga sa banig ng karamdaman.

Biniyayaan sila ng isang anak, si Trixie, Grade 3 pupil na nga­yon at ang pamilya ay nakatira sa kanilang simpleng tahanan sa Singkamas Street, Brgy. Tumana ng nasabing lungsod.

Pinangasiwaan ni Mayor Teodoro ang nasabing pag-iisang dibdib ng dalawa na dinaluhan naman ng kanilang mga kamag-anak at kaibigan kung saan napuno ng iyakan nang may kagalakan sa tagpong isinusuot na ni Darwin ang singsing at yakapin nito si Haydee.

“Ang lahat ng dahilan ng pagpapakasal ay pag-ibig. Aaminin ko, ito ang unang pagkakataon na may ikakasal ako sa bahay. Ang nangyari ay hindi aksidente, lahat nasa tadhana, may mawala man pagdating ng araw palagay ko sa alaala ng inyong anak, ang araw na ito ay mananatili,” ang sabi ni Teodoro.

Humahagulgol naman ang kanilang anak habang ibinibigay ni Teodoro ang seremonya ng kasal lalo na nang nagsumpaan na ang dalawa habang nakasandal si Darwin sa kaniyang upuan na may nakakabit na dextrose at hinahawakan naman ni Haydee ang kamay ng nobyo.

“Salamat, Mamu. Dahil kahit na hirap na hirap ako nandiyan ka sa tabi ko.

Salamat sa lahat ng tulong mo sa akin. Sana maka-survive ako, sana ma­dagdagan pa ng marami ‘yung birthday ko, ‘yung buhay ko.

Gusto ko pang gampanan lahat ng gusto ko, obligasyon sa aking pamilya sa anak ko, sa iyo.

Nagpapasamalat ako kay Mayor at nandito po siya,” ang ma­damdaming pahayag ni Darwin.

“Matagal ko na ‘tong kagustuhan na makasal tayo. At salamat sa bunso ko nandiyan lagi, alam kong mahal na mahal ako.

Hayaan mo anak lalaban si Papa kahit anong mangyari huma­ba lang ang buhay ko para sa ating lahat.

Kahit na ganito na ‘yung sitwasyon ko hindi pa rin ako gumi-give up.

Kahit walang-wala na tayo, lumalaban pa rin ako,” dagdag pa ni Darwin.

Napag-alaman na ipinakilala ang dalawa ng isang mutual friend. Si Haydee na isang mananahi ay ikalawang asawa na ni Darwin matapos mamatay ang unang asawa nito. ni ELMA GUIDO

Comments are closed.