NAGPAABOT ng pagbati si Pangulong Rodrigo Duterte kay United States President-elect Joe Biden.
“On behalf of the Filipino nation, President Rodrigo Roa Duterte wishes to extend his warm congratulations to former Vice President Joseph “Joe” Biden on his election as the new President of the United States of America,” pahayag ni Presidential Spokesman Harry Roque.
Ayon kay Roque, hangad ng Pangulo ang maayos na pamumuno ni Biden sa Amerika.
Bagama’t matagal na aniyang matibay ang bilateral relations ng Filipinas at Amerika, lalo pa itong paiigtingin sa ilalim ng administrasyon ni Biden.
“The Philippines and the United States have long-standing bilateral relations and we are committed to further enhancing the relations with the United States under the Biden administration,” pahayag ni Roque.
Hangad din ng Palasyo na makatrabaho ang administrasyon ni Biden.
“We look forward to working closely with the new administration of President-elect Biden anchored on mutual respect, mutual benefit, and shared commitment to democracy, freedom and the rule of law,” dagdag ni Roque.
U.S. PAGBUBUKLURIN NI BIDEN
Humarap na sa mga mamamayan ng Amerika si US President Elect Joe Biden matapos masungkit ang landslide victory nito laban kay incumbent President Donald Trump.
Sa kaniyang acceptance speech sa Wilmington, Delaware, sinabi ni Biden na kaniyang pagsusumikapang pagbuklurin muli ang kanilang bansa sa kabila ng pagtanggi ni Trump na tanggapin ang kaniyang pagkatalo.
Tiniyak din ni Biden na kaniyang pagsisilbihan ang lahat ng mga Amerikano, bumoto man sa kaniya o hindi at kaniyang ibibigay ang buo niyang panahon sa paglilingkod sa kanilang bansa.
Dahil sa matinding suportang kaniyang natanggap sa nakalipas na halalan, tiniyak ni Biden na hindi niya sasayangin ang boto ng bawat isang naniwala sa kaniyang kakayahang maglingkod.
Una rito, nakakuha si Biden ng 280 electoral votes makaraang pumasok ang mga boto mula sa Pennsylvania na sobra-sobra pa sa kina-kailangang 270 electoral votes kontra kay Trump na nakakuha lamang ng 214 electoral votes. DWIZ882
Comments are closed.