MALAKANYANG PABOR SA GAG ORDER

Salvador Panelo

PABOR ang Malakanyang sa hiling ni Solicitor General Jose Calida na magpalabas ng gag order ang Korte Suprema kaugnay sa kanyang isinampang quo warranto kaugnay sa  prangkisa ng ABS-CBN.

Ayon kay Presidential Spokesman Salvador Panelo, nagiging emosyonal na aniya ang issue at marami ng pahayag ang sinasabi ng magkabilang panig.

Sinabi ni Panelo na sa sandaling  magpalabas ng gag order ang high tribunal ay hindi na ­maaaring magsalita ang ABS-CBN  o si Calida, maging ang Department of Justice o kung sino pa mang sangkot sa quo warranto petition kung merito na ng kaso ang pag-uusapan dahil magiging subjudice na ito.

Bawal na rin na magsalita ang mga artista na hayagan ang panawagan sa social media kung merito ng quo warranto ang tatalakayin at maaari rin namang magsalita ang mga ito o sinuman, subalit kailangang maging handa lamang sa posibilidad na ma-contempt.

Nilinaw ni Panelo na maaari ring magsalita ang mga mambabatas kung renewal na ng prangkisa ng ABS-CBN ang pag-uusapan.

Sa ngayon, nakabinbin sa high tribunal ang quo warranto na inihain ni Calida para ipawalang bisa ang prangkisa ng ABS-CBN na nakatakdang mapaso sa Marso ng taong kasalukuyan.

Nanindigan si Pane­lo na walang kinalaman si Pangulong ­Rodrigo ­Duterte sa usapin ng prangkisa ng television network at iginiit na tanging ang Kongreso ang may kapangyarihan na magpasya kung palalawigin pa ito o hindi na.

Matatandaang maka­­ilang beses nang binanatan ni Pangulong Duterte ang ABS-CBN dahil sa umano’y hindi pag-ere ng kanyang campaign materials noong 2016 presidential elections kahit na bayad na.

“Tama naman siya dun. Kasi parang nagi­ging emotional ‘yung issue on this particular topic. It’s much do about nothing. It’s not about press freedom,” giit ni Panelo. EVELYN QUIROZ

Comments are closed.