MALAKANYANG PINAYUHAN SI ROBREDO

LENI-PANELO

PINAYUHAN ng Malakanyang si Vice President Leni Robredo na iwasang magbigay ng anumang pahayag na lalo pang makapagpapagalit sa emosyon ng tao kaugnay sa babaeng Chinese national na nagsaboy ng taho sa isang pulis makaraang harangin ito at hindi pinapasok sa Boni Station ng Metro Rail Transit  3 (MRT3).

Sinabi ni  Presidential Spokesman  Salvador Panelo na si Jiale Zhang, 23, ay nahaharap na sa mga reklamong kriminal dahil sa naturang insidente na posibleng mauwi sa kanyang deportation.

“Maybe it’s a wake up call for her to stop speculating and stop giving statements that may inflame incidents that need not be so,” wika ni Panelo.

Nauna nang sinabi ni Rob­redo na ang  ginawa ni Zhang kay  Police Officer 1 William Cristobal na tumutulong lamang sa pagbibigay seguridad sa  MRT  noong Sabado ay hindi lamang insulto sa nabanggit na pulis kundi sa buong sambayanang Filipino.

Ayon kay Robredo ang naturang insidente ay magsisilbi na aniyang wake-up call sa mga napapaulat na ang mga trabahong dapat sana’y para sa mga Filipino ay napupunta pa sa mga Chinese nationals na kasalukuyang nasa bansa.

Sinabi pa ni Panelo na hindi na dapat pang palakihin ang naturang insidente.

Pinayuhan din ni Pane­lo ang mga dayuhan hindi lamang mga Chinese national  na irespeto ang mga umiiral na batas ng Filipinas at iwasang lumabag sa anumang kautusang legal upang hindi maharap sa anumang problema.  EVELYN QUIROZ

Comments are closed.